Isa sa mga paboritong lugar na madalas puntahan ng mga turista ay ang isla ng Boracay sa Iloilo. Naging bukambibig ang Boracay dahil sa magagandang beach na nalalatagan ng puting buhangin. Isang paraiso sa tingin ng mga dayuhang turista ang Boracay. Kaya naman maraming dayuhan doon ang nagmamay-ari ng mga hotels, restaurants at mga bars. Mas malaki pa ang populasyon ng mga dayuhan doon kaysa sa mga local na residente. Umaabot sa 12,000 residente ang nasa Boracay .
Bukambibig na ng mga dayuhang turista ang Boracay. Kaakit-akit ang maputing buhangin na nakalatag sa dalampasigan. Asul na karagatan. Perpektong lugar para sa matahimik na pagbabakasyon at pagliliwaliw.
Pero ngayon, tila napapawi na sa mga dayuhang turista ang ganito kagandang tanawin at ang nakikita sa kanilang imahinasyon ay ang kriminalidad na nakabalot doon. Ang maputing buhangin na kanilang nakikita ay mga dugo at maski ang karagatan ay mapulang-mapula dahil sa talamak na kriminalidad. Mga dugo ng turistang pinatay at saka pinagnakawan.
Ganyan ang nangyari sa tatlong dayuhang turista na pinatay sa Boracay. Motibo: Pagnanakaw. Kasamang napatay ang Pinay maid ng tatlong turista. Natagpuan ang mga bangkay noong Lunes na pawang tadtad ng saksak. Magulo ang kabahayan na halatang pinagnakawan. Mga trabahador sa isang swimming pool ang mga suspects. Hanggang ngayon nangangapa pa ang pulisya.
Ang pangyayari ay nagpapakita lamang na hindi nabibigyan ng proteksiyon ang mga turista sa nasabing lugar. Nasaan ang awtoridad para alagaan ang kalagayan ng mga turistang bumubuhay sa isla? Ngayong nangyari na ang krimen saka lamang magsisikap ang mga awtoridad at ningas-kugon muli pagkaraan. Lutasin ang Boracay killings.