Mahirap nang magkamali at baka ang maiboto ay katulad ni Juan G. Rivera, dating mayor ng Guinobatan, Albay na naakusahan ng pagnanakaw sa calamity funds. Twelve counts of falsification of public documents at isang count para sa malversation of public funds ang kaso ni Rivera na may katumbas na kaparusahang 140 taon sa kulungan. Bukod sa parusang pagkakulong pinagbabayad pa rin si Rivera ng halagang P1,612,890 bilang multa sa kanyang ninakaw at hindi na rin siya papayagang makapagtrabaho sa alinmang pampublikong tanggapan.
Mayor Kurakot. Ito ang tamang salita na dapat ikapit kay Rivera. Pati ang pondo para sa mga kawawang biktima ng pagputok ng Mayon Volcano ay kanyang kinurakot. Nangyari ang pangungurakot noong February 2000. Pumutok ang Mayon at maraming kababayan sa Guinobatan ang grabeng napinsala. Agad na nagpalabas ang Presidential Financial Assistance ng halagang P1,936,798.64 at ibinigay sa munisipalidad ng Guinobatan para gamitin sa mga napinsalang residente. Dito na gumana ang "utak kurakot" ng nasabing mayor. Sa pakikipagkutsaba sa pamangking si Eric Garcia, municipal disbursement officer, pineke nila ang disbursement vouchers, purchase orders at sales invoices para lumabas na overprice ang mga grocery items na binili para sa mga Mayon victims. Humingi pa umano sina Rivera ng blank vouchers sa suppliers ng grocery items at pinangakong ibabalik din para pirmahan.
Swak sa bilangguan si Rivera. Bubunuin niya sa bilangguan ang kaparusahang naaangkop sa ginawang kasalanan. Sa haba ng taong bubunuin sa kulungan baka doon na siya lubugan ng araw. Ang hatol ng Sandiganbayan ay nararapat lamang sa tulad ni Rivera na pati ang pondo para sa kanyang kababayang nasa gipit na kalagayan ay kukurakutin. Naipakita ng Korte na ang mga tiwaling opisyal ay hindi matatakasan ang ginawang kasalanan at tiyak na mapaparusahan.
Ang pagiging kurakot ng isang lingkod-bayan na gaya ni Rivera ay hindi naman dapat tularan ng mga mahahalal na mayor sa darating na election. Pero malaki ang magagawa ng botante na isiping mabuti ang ibobotong mayor. Suriing mabuti at baka magnanakaw ang mapili.