Imposible raw ang ratings, miski subok na ang SWS at Pulse sa 92 at 98 presidential elections. Bayaran daw ang dalawa, ani FPJ na pinsan-buo si Mahar Mangahas ng SWS. Madaya raw sila, sabat ni Lacson na nagprisenta ng respondents mula Cebu at San Juan miski hindi naman alam kung ano ang isinagot ng ibang sinarbey. Kesyo mainit daw ang pagsalubong sa kanila sa mga rally, kaya sila daw dapat ang lamang. Siyempre naman, mainit ang pagsalubong sa rallies e dati na nilang tagahanga ang mga yon. Pero iba ang scientific surveys.
Ipagpalagay nang mandadaya nga si GMA, merong sandata sina FPJ at Lacson laban dito. Pinaalala ni Joe Concepcion, Namfrel chairman, na si FPJ ay may ika-apat na carbon copy ng bawat precinct tally sheet, at ikatlong kopya ng certificate of canvass sa bawat probinsiya at siyudad. Ang LDP, na nagtayo ng KNP ni FPJ, ay listadong "dominant opposition party." Tulad ng Lakas na dominant administration party, at ng Aksiyon Demokratiko ni Roco at Bangon Pilipinas ni Villanueva, accredited ng Comelec ang LDP, kaya otomatikong may mga kopya.
Sa madaling salita, ani JoeCon, isuma nila ang bawat precinct tally sheet at ikumpara sa certificates of canvass para huwag madaya. "Bakit ba ang mga partido, nitong nakaraang 50 taon, iniaasa na lang parati sa Namfrel ang quick count?" angal ni JoeCon. "Mas malinaw ang carbon copies nila kaysa sa amin, na ikapito lang!"
Si Lacson ay independent, kaya walang kopya. Pero puwede siyang humingi sa Board of Election Inspectors sa bawat presinto ng Statement of Votes, katumbas ng tally sheet, at certified copy ng canvass sa munisipyo.
Ang hirap sa Pilipinas, walang kandidatong natatalo sa halalan, nadadaya lang. At ngayon pa lang, sumisigaw na ng "daya" ang kulelat.