Bagamat hindi nagtagumpay ang BITAG at ang National Bureau of Investigation (NBI) sa inihanda naming patibong sa isa nilang miyembrong kukuha ng pera sa RCPI Tagum, Davao, hindi pa rin kami tumitigil.
Doon sa mga nakapanood ng nasabing episode, dalawang Sabado na ang nakalilipas, naipakita ng BITAG sa TV ang isang paraan kung papaano sana bitagin at gawing bihag ang isa nilang miyembro.
Ang problema ay yong kumpanyang ginagamit ng sindikato ang RCPI, sa pamamagitan ng kanilang pera-gram. HIndi nakipagtulungan ang Chief Executive Officer (CEO) na si Gabriel Paredes ng RCPI sa BITAG at sa NBI.
Katuwiran nitong hunghang na CEO sa harap mismo ng aming camera, hindi naman sila nalulugi! kaya naman ayaw makipagtulungan hanggat kumikita ang mga lintik
Nitong nakaraang Martes, natanggap ko ang isang liham mula sa tanggapan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) hinggil sa naipalabas naming TEXT SCAM sa telebisyon.
Personal na dumulog pa sa aming tanggapan ang isa sa kanilang mga tauhan upang iabot lamang sa akin ang confidential letter. Humingi rin ang AMLC ng kopya ng nasabing episode.
Hindi ko puwedeng isulat kung ano ang aming napag-usapan at mapag-uusapan pa. May isasagawang on-cam interview ang BITAG sa tanggapan ng AMLC sa kapakanan ng publiko ngayong darating na mga araw.
Maliban dito, may mga bagay pa kaming pag-uusapan ang mga hakbang na gagawin laban sa namamayagpag na sindikatong nasa likod ng text scam.
Binabalaan namin ang lahat na makakabasa ng aking kolum.
Huwag magpapaniwala sa lahat ng mga congratulatory text messages na matatanggap nyo sa inyong mga cellphone na kayo raw ay nanalo.
Huwag tangkaing mag-text back sa kanila o makipag-usap sa cellphone sa mga ito. Itawag agad ito sa BITAG at ipaubaya na lang sa amin. May nakahanda kaming patibong para sa mga sindikato sa tulong ng AMLC, National Telecommunication Commission (NTC) at iba pang mga ahensiya.