Umiral na naman ang likot ng isip nila ngayong halalang-Senado. Meron silang pitong kinamumuhiang kandidato. Tinatawag nila silang SEEMMOT: Santiago, Enrile, Estrada, Maceda, Madrigal, Osmeña, Tatad. Walang ibig sabihin ang acronym, pero nakakadiri pa rin ang tunog. Parang ... di na bale at baka mawalan ng gana ang kumakain.
Mas nakakadiri para sa kanila ang pito. Sina Santiago at Osmeña ay hayagang maka-Erap at maka-FPJ, pero lumundag sa kampo ni GMA dahil di-napiling bise presidente o sa pera. Sina Enrile, Maceda, Madrigal at Tatad ay isinuka na ng botante nung 2001, pero sige pa rin sa ambisyon. Si (Jinggoy) Estrada ay paningit lang sa FPJ tiket nung umalis si Santiago. Out on bail lang sa kasong plunder para ipagamot umano ang rectal bleeding, pero tumakbo na rin para makasama ang ina sa Senado. Huwag daw iboto ang SEEMMOT.
Ang lalong kuwela, maraming nagsasabi na, bago pa man lumabas ang acronym, balak na talaga nila ibasura ang SEEMMOT. Nais daw nila makasingit ang ilang paborito: Alvarez, Barbers, Biazon, Cayetano, Gordon, Hussin at Mercado. Subok na raw ang pito at kaakit-akit ang mga plataporma. Hindi nga lang makasingit sa Magic 12 sa surveys dahil sa SEEMMOT.
Mag-ingat lang sana sila sa negative campaigning. Kasi, mahalaga sa halalan ang name recall. Pag nasa polling precinct na ang botante at walang dalang kodigo, isinusulat na lang nang madalian ang sino mang maalalang pangalan. Paano kung ang maalala ay ang SEEMMOT?