Kakaiba ang hirit niya para magkaroon ng publicity mileage. Idinemanda niya ng libelo ang lahat ng diyaryo na nagbalitang pinaiimbestigahan siya dahil sa kanyang marangyang buhay at mamahaling mga kotse na hindi akma sa kinikita ng Vice Mayor.
Napuno ang piskalya sa Manila City Hall ng mga newspaper executives at reporters na inihabla niya. Naroroon si Lacuna at idinikit sa isang panel ang lahat ng diyaryong nagdala ng balita na kinunan ng TV camera ng NBN Channel 4. Aniyay isa itong orchestrated move ng media para wasakin siya. Sa katunayan, may pormal nang request for investigation na iniharap ang isang concerned Manila resident sa Ombudsman. Hinihiling na imbestigahan si Lacuna dahil sa pagma-may-ari ng isang multi-milyong pisong tahanan at mga mamahaling sports car na tila alangang mabili ng isang bise alkalde lang. Inirereklamo rin si Lacuna sa diumanoy pag-aari niyang videoke bar malapit sa kanyang tahanan na sinasabing may ilegal na pasugalan sa loob.
Naibalita nang lahat iyan. Pero imbes na humarap sa isyu at mangatuwiran, demanda ang isinampal niya sa maraming pahayagan. Kontodo TV coverage pa. Daig pa niya si Presidente Arroyo na hindi pinalampas ng media dahil sa mga alegasyon ng corruption na kinasasangkutan ng First Gentleman. Delikado pala ang taong ito kung maging Presidente. Baka i-abolish ang lahat ng media entity na bibira sa kanya.
Mr. Lacuna, bilang kandidato, isa kang kalakal. Ibinebenta mo ang sarili sa taumbayan. Buti pa ang kalakal na puwedeng isauli kung may depekto. Ang bugok na public official ay pagtitiisan munang matapos ang termino bago mapalitan. Responsibilidad ng media na maglahad ng mga isyu tungkol sa sino mang kandidato. Positibo man o negatibo. Kung mali ang paratang, mangatuwiran ka and the burden to disprove is on you dahil ikaw ang kumakandidato.
Ito tandaan mo, Hindi kami takot sa libelo kung ang rason ay pagtupad sa aming tungkulin. Higit na kahiya-hiya ang opisyal na katulad mo na nagha-harrass ng malayang pamamahayag. Ano ka, diktador?