Pakikibahagi sa sakripisyo

SA kultura ng maraming lahi, kapag ang isang sakripisyo ay inihahandog, ang mga tao ay nakikibahagi sa sakripisyo. Kinakain nila ang laman nang inihandog na sakripisyo. Iniinom din nila ang dugo nito. Sa mga hindi sanay sa ganitong kultura, ito ay isang nakahihilakbot na karanasan.

Pakinggan si Jesus sa salaysay ni Juan (Jn. 6:52-59).

Dahil dito’y nagtalu-talo ang mga Judio. "Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang kainin natin?" tanong nila. Kaya’t sinabi ni Jesus, "Tandaan ninyo: Maliban na kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya. Buhay ang Amang nagsugo sa akin, at ako’y nabubuhay dahil sa kanya. Gayon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumain nito’y mabubuhay magpakailanman. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga magulang sa ilan; namatay sila bagama’t kumain niyon."


Sa kultura ng mga Judio, ang mangusap tungkol sa laman at dugo ay nangangahulugan ng tao sa kanyang mortal na kalagayan. Alam ni Jesus na kanyang tatapusin ang kanyang sakripisyo sa kanyang kamatayan sa krus. Ang lahat ng ito ay mangyayari sa madugong paraan.

Sa Misa, ang parehong sakripisyo ni Jesus ay iniaalay ngunit sa hindi madugong paraan.Tinatanggap natin ang katawan ni Jesus sa anyo ng tinapay. Iniinom natin ang kanyang dugo sa anyo ng alak. Sa ganitong paraan, pinalalalim natin ang buhay na walang-hanggan na nasa sa atin. Sa Misa, nakikibahagi tayo sa sakripisyo ni Jesus.

Show comments