Pero may hinalang pakulong pangkampanya ni Lacson ang affair. At nagtataka ang ilang officers at kasapi ng PNP Press Corps kung bakit samahan nila ang lumalabas na namumuno sa pasinaya, gayong wala naman silang naging pasya para rito.
Nangangamba ang reporters na baka magamit ang pangalan nila, ng kani-kanilang press club, at mga media outfit sa pamumulitika. Kasi halatang pro-Lacson ang pakulo. Guest speaker siya. Tagabigkas ng inspirational message sina Nazareno at Sarmiento. Mga kasapi sila ng AG-Ping (Association of Generals for Ping Lacson). Hindi pasisinayaan ang iba pang dating PNP chief: Sina Umberto Rodriguez, Santiago Aliño, Leandro Mendoza o Roberto Lastimoso. At ang restoran na pagdadausan ay pag-aari ni Kim Wong, binansagang drug lord sa imbestigasyon ng Senado nung Hunyo-Setyembre 2001.
Masama ang timing ng pasinaya. Limang araw lang bago election day. Sa gulo ng balita, baka lumabas na ang reporters, ang press clubs at ang media outfits nila ay puro pro-Ping. Makokompromiso ang pangalan nila sa partisan politics.
Mag-isip na lang sana ng ibang pakulo ang media handlers ni Lacson na hindi makakasira sa reputasyon ng reporters, press clubs at media outfits. Sayang ang pinundar ng mga ito sa pagsulong ng malayang pamamahayag. Huwag sana idamay ang PNP Press Corps, na matapang na nagbalita miski panahon ng mapaniil na martial law o mapanganib na kudeta laban kay Cory Aquino.