Ang Pag-IBIG Fund at Programa ng Pabahay

ANG Home Development Mutual Fund na mas kilala sa tawag na Pag-IBIG Fund (Pagtutulungan sa Kinabukasan: Ikaw, Banko, Industriya at Gobyerno) ay isa sa pangunahing institusyong pinansiyal ng gobyerno na malaki ang papel sa pabahay. Tinutukoy nito ang mga sektor na may kinalaman sa pagpapatupad ng isang ‘‘savings scheme’’ para sa pabahay. Ang Pag-IBIG Fund ay ang pondong nagmumula mismo sa mga kontribusyon ng mga miyembro nito at ng kanilang employer.

Itinatakda ng batas o ng Republic Act 7742 na ‘‘mandatory’’ ang pagmimiyembro sa Pag-IBIG. Nagsimula ang programang ito noong 1978, sa pamamagitan ng PD1530. Mula noon, humigit kumulang pitong beses na itong sumailalim ng pagbabago – sa administrasyon ng pondo, sa ahensiyang dapat mamahala ng pondo at sa halaga ng kontribusyon.

Kabilang sa mga benepisyo ng miyembro ng Pag-IBIG Fund na malaki ang tulong sa programa ng pabahay ng kasalukuyang administrasyon ay ang Rent-to-Own Program at Housing Loan Program. Sa ilalim ng Rent-to-Own Program, layunin ng Pag-IBIG Fund na matugunan ang pangangailangan sa pabahay ng mga miyembro nitong may mababang sahod. Pinauupahan ng Pag-IBIG Fund ang mga bahay na pag-aari nito sa loob ng limang taon. Sa loob ng panahon na ito, maaaring bilhin ng nangungupahan ang bahay sa pamamagitan ng pagkuha ng housing loan mula sa Pag-IBIG.

Ang Housing Loan Program naman ay naglalayong magbigay ng tulong pinansiyal sa mga miyembro nitong nais bumili ng bahay, lupa o di kaya’y bahay o lupa, maaari rin itong gamitin sa pagpapatayo ng bahay sa lupang pag-aari ng miyembro o kaya’y pagpapaayos ng bahay. Maaari ring gamitin ang Housing Loan para sa refinancing ng isang utang sa ibang institusyong katanggap-tanggap ng Pag-IBIG.

Ang Rent-to-Own at Housing Loan Program ay ilan lamang ng mga benepisyo miyembro na maaaring gamitin ng mga miyembro para sa kanilang mga pangangailangan sa pabahay. Para sa karagdagang impormasyon sa mga programang ito, makipag-ugnayan sa inyong pinakamalapit na pag-IBIG Branch.

Show comments