Anim na buwang trinabaho ng grupo ng "BITAG" ang sindikatong ito. Magmula sa kanilang pinag-kukutaang lungga sa Sampaloc, Manila hanggang sa sinasabing bagsakan ng kanilang mga nakulimbat na mga produkto sa Fairview.
Kitang-kita sa aming surveillance camera ang mga mukha at ang modus operanding ginagawa ng grupo upang makapag-nakaw.
Agad naming inilapit sa pamunuan ng SM ang aming "nabitag". Hangad naming matuldukan na ang nakawang nangyayari sa nasabing establisimiyento.
Ngunit parang may sabwatang nangyayari sa pagitan ng grupo ng mga kawatan at ang pamunuan ng SM. Ayon sa aming asset, kasama sa training ng mga security guard ng SM ang pagpapalaya sa mga suspek kung hindi rin naman ito maaaktuhan kahit sangkatutak pa ang ibedensyang matatagpuan dito.
Patunay din ang pagtuturuan ng kanilang mga opisyal. Pagkatapos kaming pagpasa-pasahan ng ibat-ibang opisina, naging malinaw sa amin na ayaw talagang makipag-tulungan ng pamunuan ng SM upang masugpo ang nakawan sa sarili nilang establisimiyento.
Kung hindi man sila nakipag-tulungan sa aming grupo, hindi na namin problema iyon. Hindi naman kami ang nananakawan. Hindi kami ang talo.
Ngunit kamakailan, isang tip na naman ang aming natanggap ukol sa pag-gamit diumano ng SM sa surveillance tapes na anim na buwang pinag-paguran ng aming grupo.
Nais naming malaman nyo na seryosong trabaho ang ibinuhos ng "BITAG" upang mahuli sa akto ang grupo nila Obeng at Nora. Hindi makatwiran na gamitin na lamang ito basta-basta nang kung sino mang hayupak para sa "orientation" sa kanilang mga empleyado.
Malinaw na "pagnanakaw" ang ginawa ng SM dahil sa walang abisong natanggap, ni tawag o sulat man lamang ang opisina ng "BITAG" ukol dito.
Wala na kaming paki-alam kung sadyang inutil at bulag ang pamunuan ninyo.
Pero mahiya naman kayo. Mahiya kayo na minsang lumapit ang "BITAG" upang tulungan kayo. Mahiya kayo na tila may sabwatang nangyayari sa nakawang ito. At higit sa lahat, mahiya kayo na kayo rin mismo ay mga magnanakaw rin!