Nagdaos ng party sa bahay ni FPJ sa Greenhills, San Juan, sa tapat ng Cardinal Santos Medical Center. Dekada-80 noon, panahon ni Marcos na ninong ni FPJ sa kasal.
Mag-a-alas dose ng gabi nang dumating ang isang hindi kilalang lalaki. Nagpupumilit ito pumasok dahil may susunduin daw sa party, pero ayaw siya papasukin ng security guard, isang nagngangalang Legaspi. Nagkataong nasa driveway sina FPJ at mga alalay na stuntmen, at narinig ang pagtatalo. Lumapit si FPJ at biglang pinalo ng .45-caliber pistol sa mukha ang gatecrasher. Tapos, katulong ang mga alalay, pinaggugulpi ito.
Nabigla si Legaspi, na tumakbo sa malapit lang na opisina ng Rizal Security and Detective Agency para i-report ang insidente. Isang RSDA team na pinamumunuan ni Ben Algoso at assistant niyang nagngangalang Capili ang tumakbo para mag-imbestiga. Natagpuan nila ang lalaki na wala nang malay-tao, halos patay. Inabutan ni FPJ ng pera ang guards at officers, at nagsabing "bahala na kayo diyan."
Mas malala ang eksenang ito sa salaysay ni entertainment editor Franklin Cabaluna. Bata pa siya nung 1968 nang may sinulat na di nagustuhan ni FPJ. Dinala raw siya ng lasing na FPJ sa isang restoran sa Manila Zoo at doon binantaan ang buhay. Kung hindi raw kasama ang aktres na si Alona Alegre, baka kung ano na ang nangyari sa kanya.
Mas malala rin yun kaysa pag-a-ambang suntukin ang isang news photographer na natabig ng camera ang kamay ni FPJ sa kampanya sa Pampanga nung Pebrero. O kaya sa pambubulyaw ni FPJ kay Sandra Aguinaldo ng GMA-7 na nakagulo lang ng konti sa talumpati niya.