Ang ikinasasakit ng loob ng mga nasabing entertainers ay para silang mga pulubi na naghihintay ng limos samantalang napaghirapan na nila ito na kinakailangang matanggap upang maitustos naman sa kanilang pang-araw-araw na ikabubuhay. Ang masakit pa nga raw ay pinili nilang dito na lamang sa sariling bayan ibahagi ang galing ng kanilang talino sa halip na sa ibang bansa na maaaring mas maganda pa ang pakikitungo sa kanila at malamang na mas malaki pa ang dapat na kitain.
Nabanggit sa akin na alam na ni Mr. Mike Yaneza, ang Entertainment Coordinator ng Heritage Casino Filipino ang problemang ito. Sinubukang makausap ng aking staff si Mr. Yaneza upang liwanagin ang bagay na ito subalit hindi kami nagkaroon ng pagkakataon. Kahit na alam kong hindi nito nasasakop ang Heritage Casino, sinikap kong tawagan si Bobby Paterno, ang Branch Manager for Operations ng Parañaque Casino, ang isa sa mga well-managed branches ng Pagcor ngunit hindi ko rin siya naabutan. Kayat minabuti na lamang namin na isulat ito nang sa ganoon ay mapagtuunan na kaagad ng pansin at mabigyan ng solusyon.
May pakiramdam kami na maaaring may hindi pagkakaintindihan lamang ang nangyari dito. Mahirap na isipin na hindi tutupad sa obligasyon ang Casino Filipino na pinangangasiwaan at nasa ilalim ng pamamahala ni chairman at CEO Ephraim Genuino ng PAGCOR na pinakamatibay at pinakamagaling na ahensiya ng gobyerno na kilalang nangunguna sa nakakatulong sa bayan at mga mamamayang Pilipino.
Sana nga ay makatulong ang kolum na ito upang kahit na papaano sa aming kaliitan ay makapagsilbing namamagitan sa pagpapaabot ng mga bagay na makapagpapatuwid at makapagbibigay ng solusyon, maging maliit man o malaki sa ating mga kababayan. Lagi kaming handang magserbisyo.