Sa tindi ng alitan may mga bugok na pumasok sa politics para makontrol nila ang dayaan bolahan sa kani-kanilang balwarte sakaling lumusot sila ngayon Mayo 10.
Ang peste este siste pala pangalan ni Prez Gloria Macapagal Arroyo, ang nalalagay sa alanganin dahil binabasbasan daw nito ang operasyon ng dayaan bolahan. Totoo kaya ito?
Asking lang ang mga kuwago ng ORA MISMO, kasi matindi ang impormasyong natanggap nila galing sa kanilang mga pinagkakatiwalaan bulong brigade P3.5 million ang kinikita everyday sa dayaan bolahan sa Albay at karatig bayan nito.
Hindi biro ang operasyon ng dayaan bolahan sa Bicol kahit saan ipaling ang mata ay may makikitang nangungumbra o nagpapataya.
Loob lang ng simbahan ang pinatawad ng mga kamote dahil alam nilang todo sermon ang aabutin nila sa mga kaparian dito oras na nagpataya. Sangkatutak kasi ang nagbabakasakaling manalo sa dayaan bolahan.
Ang alyansa nina Art Kabigtak, Tom Arinula, Tony Onggoy, ang druglord sa Region 3, at Alex Tang Ah, ang nagpapasaya naman sa mga pigoys na kumokolekta ng intelihensya galing sa mga nabanggit.
Ang apat na kamote sa itaas ang gambling lords sa Region 5, sila ang nangungurap sa mga tulisan este mali kamoteng pulis pala. Muntik nang makalimutan ng mga kuwago ng ORA MISMO, ang pangalan nina Ed, diyan sa Oas, bayag daw este mali bayaw pala ng isang mataas na opisyal ng mga tulisan este mali kurap na pulisan pala. Si Rey, kapatid ni tongresman, at si Boy ng Daraga. Ang mga ito ang mga nag-ooperate ng dayaan bolahan sa kani-kanilang mga lugar. Million of pesos ang kubransa kada bola.
Daan-daan libo naman ang intelihensya sa mga bugok kada linggo.
Siyanga pala, ang last three names ay miyembro ng partido Lakas asar sa kanilang mga distrito pinasok nila ang pulitika para maprotektahan ang kanilang illegal business.
Bago ang lahat, nagpapasalamat ang mga kuwago ng ORA MISMO, at management ng Pilipino Star NGAYON sa mga gambling lords sa Bicol dahil pinapakyaw nila ang aming dyaryo kapag may istorya tungkol sa kanila dahil ayaw pala nilang mabasa ng kanilang mga kababayan ang kanilang kagaguhan.
Thank you very much po!
"Malakas pala ang benta ng PSN sa Bicol" anang kuwagong sepulturerong naghahanap ng pustiso sa patay.
"Kaya nga nagpapasalamat tayo sa mga gambling lords," anang kuwagong SPO-10 sa Crame.
"Bakit ba pinapakyaw nila ang Pilipino Star NGAYON? tanong ng kuwagong Kotong cop.
"Para hindi mabasa at hindi sumingaw ang baho ng mga bugok na pulitikong bangka sa dayaan bolahan".
"Nahihiya kasi silang mabulgar ng todo sa kanilang mga kabayan ang kanilang kagaguhan" anang kuwagong urot.