Bago mag-Semana Santa, walang takot na hinoldap ng apat na kalalakihan ang armored van ng Banco de Oro habang nasa compound ng SM City dakong alas-kuwatro ng hapon. Natangay ang malaking halaga ng pera at isang security guard ang napatay. Sa naganap na panghoholdap ay tanging mga sekyu ang nakipagratratan sa mga holdaper at wala ni isa mang pulis na nakaresponde. Malapit lamang ang PCP sa lugar na iyon.
Ang mahinang responde ng mga pulis ay binatikos kaya nagsagawa ng imbestigasyon sa pangyayari ang National Capital Region Police Office (NCRPO). Hanggang ngayon wala nang narinig sa nangyaring nakawan. Nakunan ng video ang mga holdaper pero hanggang doon lang. Wala pang naaaresto sa mga suspects.
Noong Lunes ng umaga, dakong alas-diyes, hinoldap ang Asiatrust Bank sa New Manila, Quezon City. Apat na lalaki at isang babae ang nagpanggap na kliyente. Nang inspeksiyunin ng nag-iisang sekyu ang clutch bag ng isa sa mga lalaki, nakita ang handgun. Nang kukunin iyon ng sekyu, mabilis na nagbunot ang mga kasamahang holdaper at pinasok na ang banko.
Ang nakapagngingitngit, wala na naman ang mga pulis. Nagdatingan lamang ang mga ito makaraan na ang holdap. Walang ipinagkaiba sa mga napapanood sa pelikula. Ang mas nakagigimbal malaman, may ilang metro lamang ang layo ng police community precincts sa lugar na iyon. Nasasakop ang PCP ng Galas Station. Ano ang ginagawa ng mga pulis sa PCP at wala ni isa mang nakaresponde?
Nagsasagawa na naman ng imbestigasyon ang NCRPO sa nangyaring holdapan. Sana naman ay may mangyari na sa ginagawang imbestigasyon para malaman kung ano ang dahilan ng kabagalan sa pagresponde sa mga holdapan.
Napakaraming mali sa PNP Pagong Na Pagong.