Tips sa mga namamalat

SA tindi ng init ngayong tag-araw, madalas na pagpawisan tuloy ay natutuyuan ng pawis ang katawan. Resulta nito ay ang pangangati ng lalamunan na nauuwi sa pamamalat. Usung-uso sa mga kandidato ang namamalat. Bukod sa kanilang pagha-house-to-house pagod sila sa kakakamay at kakakaway na talagang sumasakit ang mga kamay at braso nila na para bang meron silang arthritis kaya kailangan nilang magpamasahe matapos ang paglilibo’t nila para makalikom ng boto. Gasgas din ang mga lalamunan nila sa kanilang pagtatalumpati sa mga rallies. Para silang mga concert artist na namamalat sa kakakanta.

Ang pamamalat ay umpisa rin ng pag-ubo na hindi lamang ang lalamunan ang apektado kundi maging ang dibdib. May pagkakataon na nasusugatan ang larynx kaya lalong lumalala ang kondisyon. May mga nireresetang gamot ang mga doktor para maagapan ang pamamalat. Mga tabletas at syrup na pantanggal ng kati ng lalamunan at pati na ang pag-ubo.

Ipinapayo ang maraming pag-inom ng tubig at mga fruit juices. May nagpapayo rin na uminom ng salabat na mainam sa pamamalat pero huwag uminom ng kape dahil acidic ito subalit ang pinakamainam na gamot ay huwag magpupuyat. Mamahinga nang sapat.

Show comments