Itoy matapos naming maipalabas sa BITAG nitong Sabado, alas-7 ng gabi sa IBC-13, kung papaano nila isinasagawa ang kanilang pagnanakaw.
Anim na buwang sinurveillance ng mga BITAG undercover ang trabaho ng sindikatong ito. Marami kaming mga nakuhang surveillance footages, palabas ng kanilang kuta at patungo sa kanilang mga area of operations.
Magaling makiramdam ang grupong ito, parang palos kung kumilos. Pinag-aralan ng sindikato ang kahinaan ng sistema ng SM department stores pagdating sa security.
Naging specialty na ng grupong ito ang lahat ng SM department stores. Halos araw-araw ang kanilang operasyon, nakawan ang lahat ng SM sa Metro Manila maging sa mga probinsiya.
Sa ngayon magpapalamig daw muna ang grupo dahil kilala na ang kanilang mga mukha matapos namin silang mailantad sa TV.
Ang sindikato ay pinamumunuan ng mag-asawang si Obeng at Nora Aday na may mahigit na labing-anim na kabataang miyembro. Sa kanilang operasyon malimit nilang kasama ang kanilang batang anak na mga babae, sinasanay na nila sa hanapbuhay na pagnanakaw.
Pagkatapos mismo ng programang BITAG nitong Sabado, agad daw naglabasan ang mga kapitbahay sa barangay nila Nora at Obeng Aday sa Sampaloc Maynila. Naging usap-usapan sila sa kanilang lugar.
Dagdag pa ng aming asset, ayon sa mga nakakakilala at nabibiyayaan ng sindikatong ito sa kanilang barangay, masyado daw pakialamero ang BITAG.
Ayon sa mga sympatizer nila Nora at Obeng, kung yong pamunuan daw mismo ng SM, hindi nagrereklamo, bakit daw mainit ang BITAG sa grupo ng sindikatong ito.
Totoong mailap ang pamunuan ng SM na makipagtulungan sa BITAG at CIDG. Sinubukan namin silang lapitan upang matagumpay na matuldukan ang operasyon ng grupong ito nung makalipas na buwan.
Madaling masugpo ang operasyon ng grupong ito kung makipagtulungan lang ang pamunuan ng SM. Dahil madaling iposte ang aming mga undercover maging ang mga operatiba ng CIDG kung nanaisin ng SM makipagtulungan.
Alam ng BITAG maging ang CIDG na kapag walang reklamo walang maisasampang kaso sa grupo ng sindikatong ito.
Sa pananaw ng iba pang mga kawatang sindikato, itoy maituturing pagkokonsinti na rin. Sa iba pa nilang katribung sindikato, madaling pamarisan ang gawain ng grupo ni Nora at Obeng Aday sa lahat ng SM department store.