Kanino ka ba talaga, FPJ ?

KAWAWANG Rambo!

Rambo ang tawag kay Efren Rafanan ng kanyang mga kaibigan, ito iyong sikat na sikat na komentarista sa Ilocos Sur na bumubotak sa pagka-gobernador versus Chavit Singson. Si Chavit ang tinaguriang ‘‘bayani ng EDSA Dos,’’ for your information, Dear Readers.

Kailan lang ay na-ambush at napatay sa Vigan Ilocos Sur, ang asawa, anak, kapatid at driver – bodyguards nitong si Rambo. Pero nakaligtas si Rambo, siyempre siya ang bida kaya lang minalas ang kanyang asawa dedbol ito matapos manggaling sa Spain bilang OFW.

Si Rambo ay official na kandidato ng Koalisyon ng Nagkaisang Pilipino (KNP), sa pagka-gobernador ng Ilocos Sur. Si Rambo rin ang provincial Chairman ng LDP-Angara faction. Sabik na sabik si Rambo sa kahihintay ng ibang kasamahan niyang kandidato sa ilalim ni Da King, dahil pupunta ang hari ng pelikula sa kanilang lugar.

May malaking rally silang ginawa para iproklama si Da King sa Ilocos Sur na gustong maging hari este mali Prez pala ng Pinas. Pero nagkahetot-hetot ang grupo ni Rambo at kanyang mga kabig sa KNP at LDP dahil hindi lumitaw sa usapan si Da King.

Ang balita ay nagpunta ang hari kasama ang kanyang bise na si Loren Legarda sa mala-palasyong haybol ni Chavit. At doon pa raw nananghalian? Wow FPJ!

Sino ba talaga, FPJ? Si Rambo ba ang kandidato mo o si Chavit na kandidato ni Prez Gloria?

Ang balita sa Ilocos Sur, matalik na kaibigan ni Da King si Chavit. Pero paano naman si Rambo ang kanyang kandidato na nakapagbuwis pa naman ng haybu ng asawa, anak at kapatid sa paglaban sa mga Singson na siyang naghahari sa nasabing lugar?

Kay sakit Kuya Ronnie! Tama ba mga botante?

‘‘Ano kaya ang pakiramdam ni Pareng Erap ni Pareng Ronnie, na nakakulong, 3 years na ang nakakaraan dahil sa exposed ni Chavit?’’ tanong ng kuwagong urot.

‘‘Ang pagbubulgar ni Chavit ang dahilan kung bakit nasa karsel si Prez Erap,’’ sabi ng kuwagong mananayaw sa cabaret.

‘‘Ibig bang sabihin walang kumpa-kumpare, walang kai-kaibigan, liban lang sa kaibigang Chavit?’’ anang Kotong cop.

‘‘Paano si Prez Erap at Jinggoy, ang kandidato ni Da King sa pagka-Senador?’’ tanong ng kuwagong SPO-10 sa Crame.

‘‘Tatalikuran kaya ni Da King ang mga nabanggit dahil kailangan niya ang boto ni Chavit sa Ilocos Sur?’’

‘‘Siguro hindi naman, kamote.’’

‘‘Abangan natin ito, lagapot.’’

Show comments