EDITORYAL - Bakit ngayon lang, DSWD ?

MAHIGIT nang isang taon na nasa ere ang kantang "Spaghetti" at mag-iisang taon naman ang "Otso-Otso" at "Bulaklak" pero ngayon lang napansin ng secretary ng Department of Social Welfare and Development. Sabi nga ni comedian Dolphy, dugay na sa Malacañang tonto pa gihapon. Mahigit isang taon nang isinasayaw ng Sex Bomb dancers ang "Spaghetti" na naglalantad sa kanilang mga katakam-takam na katawan sa telebisyon pero kamakalawa lamang nalaman ng mga taga-DSWD. Malaki na ang kinita ng "Spaghetti" "Otso-Otso" at "Bulaklak" at maski ang mga campaign jingles ngayon ay nakasunod na rin sa mga ito pero ngayon nga lang napansin ng DSWD.

Umapela noong Miyerkules si Social Welfare Sec. Corazon "Dinky" Soliman sa mga TV variety shows na bawasan ang pagpapalabas ng mga talent contests kung saan ang mga kabataan ay nakasuot ng mga malalaswang attire at sumasayaw sa himig ng "Spaghetti", "Otso-Otso" at "Bulaklak". Malalaswa aniya ang kilos. Ang mga kantang ito at sayaw ay hindi makatutulong sa pagtuturo ng dignidad ng kanilang katawan. Nagbabala si Soliman tungkol sa pagkaka-expose ng mga kabataan sa mga sayaw na may sexual innuendos. Ito aniya ay magtuturo sa mga kabataan na ang sex ay katuwaan at maaaring isipin na isang produkto na maaring ilako.

Nakikiisa kami sa magandang layunin na ito ni Soliman na bawasan ang mga malalaswang panoorin sa telebisyon lalo na ang mga pangtanghaling programa kung saan nakatutok ang mga kabataan. Pero nagtataka lamang kami kung bakit ngayon lang ito nakita ng DSWD Secretary. Wala bang nagsabi man lang sa kanya na matagal nang namamayagpag sa mga telebisyon ang mga dance number na nagpapahiwatig ng kamunduhan o sex?

Maraming kabataan ang maagang nalulunod sa kamunduhan dahil sa mga nakikita o napapanood o nababasa. Naniniwala kami sa sinabi ng DSWD na maraming kabataan ang nahuhulog sa mga white slavery syndicate.

Kung ang mga malalaswang panoorin at may mga double meaning na awitin ay nakikita ni Soliman, sana naman ay makita rin niya ang mga naglipanang malalaswang tabloid at pirated CDs na lantarang ibinibenta sa bangketa at nakikita ng mga minors. Hahanga kami kung ang DSWD ay magsasagawa ng pagkumpiska sa mga malalaswang babasahin at porno CDs. Hinahamon ka namin Sec. Soliman.

Show comments