Matagal nang nagkaroon nang mga kaguluhan sa Iraq. Mula nang sakupin ng mga Amerikano ang Iraq noong nakaraang taon at madakip si Iraqi President Saddam Hussein ay lalo pang nagkaroon ng kaguluhan. Kabi-kabila ang patayan. Ang mga Amerikanong sundalo ay parang manok na tinatarget ng mga Iraqi na kapanalig ng napatalsik na si Saddam. Mula nang mag-umpisa ang giyera sa Iraq mahigit 600 sundalo na ang napapatay.
Isa si President Arroyo na nagbigay ng suporta sa Coalition forces para durugin si Saddam. Nagpadala ng mga sundalo roon at hanggang sa kasalukuyan ay naroon pa rin at nagbibigay ng suporta sa kabila nang matinding panganib. Umaabot naman sa 3,000 Pinoy ang kasalukuyang nasa Iraq. Nasa panganib ang kanilang buhay dahil sa lumulubhang labanan. Ang pagdukot sa mga dayuhang trabahador ay lumulubha. Kamakailan, apat na dayuhan ang dinukot at pinatay. Isinampay ang mga katawan sa tulay at hinayaan doong nilalangaw.
Noong Linggo, nangidnap na naman ang mga Iraqi at kabilang sa mga kinidnap ay isang Pinoy. Noong February, 12 Pinoy soldiers ang bahagyang nasugatan nang ang kanilang kampo ay salakayin ng mga suicide bombers.
Mapanganib na ang kalagayan ng mga Pinoy sa Iraq at kinakailangan na ang pag-aalis sa kanila roon. Hindi na nararapat ang urung-sulong na pagdedesisyon dito. Baka ang mangyari ay kung kailan may mga napatay ng OFWs o mga sundalong Pinoy saka lamang kikilos ang pamahalaan. Alamin ang kalagayan ng mga Pinoy workers kung nagagampanan ba ng mga ahensiyang nagpadala sa kanila roon ang kanilang tungkulin. Nalalaman din ba ng Overseas workers Welfare Administration ang kalagayan ng mga OFW doon? Sa ganitong kahigpit na sitwasyon dapat bigyang pansin ang kalagayan ng mga Pinoy sa Iraq bago pa mahuli ang lahat.