Di kinikilalang kapangyarihan

MANIWALA ka o hindi, pahayag ng makatang Pete Lacaba, isang world power pala ang Pilipinas. Pero dagdag niya agad habang humahagikgik, makapangyarihan tayo sa larangan ng pelikula. Ang pruweba? Nasa special issue kamakailan ng Newsweek. "Power: who’s got it now?" tanong ng magasin. At nilista nito ang 10 pinaka-makapangyarihang mga bansa sa iba’t ibang larangan: ekonomiya, diplomasya, militar. Sa isang talaan lang nabanggit ang Pilipinas: Movie power. Tatlo ang kategorya: benta sa takilya, gastos sa teknolohiya, at dami ng na-produce na pelikula. Sa huli tayo nabanggit – pang-siyam sa dami ng pino-produce na pelikula kada taon: India, 1,200; United States, 543; Japan, 293; France, 200, Spain, 137, Italy, 130; Germany, 116; China, 100; Philippines, 96; Hong Kong, 92.

Partida pa ‘yan, dahil matumal ang pelikulang Pinoy nitong 2003. Kokonti ang nag-produce dahil sa tindi ng video piracy. Nagmahal din ang gastusin. At abala ang manonood sa ibang mga palipas-oras. Nu’ng dekada-’60, 250 pelikulang Pinoy ang lumalabas taun-taon; malamang kasunod lang tayo noon ng India at US.

Ayon kay Jacob Wong, programmer ng Hong Kong Film Festival, naka-150 pelikula ang Pilipinas nu’ng 1998. Daig ang Hong Kong, na 90 lang ang na-produce.

Nu’ng dekada-’50-’70, mas magaganda ang mga pelikulang Pinoy kaysa Hong Kong, at pinaka-mahusay sa buong Southeast Asia. Panahon noon nina Lino Brocka at Ismael Bernal. Nu’ng 1952 naghasa si Ramon Estella sa ilalim nina Fred Zinneman at Robert Flaherty. Gumawa siya ng mga pelikula para sa Vietnam at Malaysia, at biniro pa ni Teddy Co na pinaka-mahusay siyang Malaysian director. Nagdirek din si Estella para sa Italy nu’ng dekada-’60, at sa Japan nu’ng dekada-’70.

Balita rin noon ang pagkakaibigan nina Manuel Conde at James Agee, na nagdala ng Genghis Khan sa Venice Film Festival nu’ng 1952. Dinaig ng pelikulang Pinoy na ito ang Hollywood version ni John Wayne.

Dati na tayong kapangyarihan sa pelikula, hindi lang natin alam.

Show comments