"Tinuring nila Ako na pinaka-mababang hayop sa mundo, kaya: (1) Ginapos nila Ako at kinaladkad sa hagdang bato pababa sa nanlilimahid at nakakaduwal na silong; (2) Hinubaran Ako at pinagsisipit ng matatalas na bakal; (3) Tinalian Ako nang mahigpit sa dibdib at ihinagis sa dingding; (4) Isinabit Ako nang madulas mula sa kisame, para lumagapak sa lupa. Sa pahirap na ito, napaluha Ako ng dugo; (5) Itinali Ako sa poste at pinagtutuklap ng sibat ang Aking balat;
(6) Pinagpapalo Ako ng bato at pinaso ng nagbabagang uling; (7) Pinatayo nila Ako sa umaasong bakal na kalasag; (8) Pinutungan Ako ng koronang tinik at piniringan ng pinaka-maruming tela; (9) Isinalampak Ako sa upuan na puno ng nakausling pako na bumutas sa Aking hita; (10) Pinatuluan ang mga sugat Ko ng pinakulong tingga at alkitran, at iniupo Ako muli sa mga pako, kaya lalo itong bumaon sa Aking laman;
(11) Bilang pagmamaliit, tinurukan nila ng mga karayom ang namamagang balat na pinagbunutan ng Aking balbas; (12) Itinali nila Ako nang mahigpit sa isang krus hanggang hindi na Ako makahinga; (13) Pagbagsak Ko sa lupa, pinagtatapakan nila Ako sa ulo; (14) Isa sa kanila ay pumilas ng tinik mula sa korona at itinurok sa Aking dila, tapos sinalaksak sa bibig Ko ang dumi ng hayop; at (15) Iginapos ang kamay Ko sa likod at, habang binabambo, kinaladkad Ako palabas ng piitan."
Pinasya ni Pope Clement II na ipaalam ang 15 lihim na kalupitang sinapit ni Hesus para lang tubusin ang mundo mula sa kasalanan. Ilan dito ay nilahad sa lumang pelikulang Pilipinong Kristo, at sa kalalabas pa lang na Passion of the Christ ni Mel Gibson. Sa pagkabatid nito, maraming nagbabalik-loob sa Diyos.