Sabi ng kaibigan kong si Rev. Grepor Butch Belgica, hindi dapat patayin ang sino man dahil lamang kakaiba ang kanyang ideyolohiya o paniniwala. Ang ilan sa mga ANAD leaders na naitumba na ng NPA sa nakalipas lamang na tatlong buwan ay sina Noli Morales, Renante Rodriguez, Renario Rentas na pawang taga-Davao, at Brgy. Capt. Maximo Ravena ng North Cotabato na pinaslang noon lamang Marso 9.
Marahil, ang mga taong itoy iniligpit dahil nagkakaisa sila sa pagtuligsa sa ano mang uri ng terorismo o karahasan gaya nang inihahasik ng mga NPA na sa kabila ng isinusulong na prosesong pangkapayapaan ng pamahalaan ay hindi maawat sa mga isinasagawang ambuscade.
O sila kayay pinatay dahil hindi makapagbayad ng hinihinging halaga para mabigyan ng permisong makapangampanya? Mabuti ang layunin ng ANAD. Ito ay ang pagkakaroon ng edukasyon, karunungan at pamumuhay ng mapayapa sa isang lipunang may maunlad na kabuhayan. Pero mahigpit nitong tinututulan ang paghahasik ng karahasan.
Sa mga pangyayaring ito, ang NPA ba ay uhaw sa positibong reporma sa bayan o uhaw sa dugo? Di ko nga maintindihan kung bakit dapat pang makipag-usap sa NPA kung tutol naman ito sa ano mang uri ng compromise. Ang ibig ng NPA, alinsunod sa kaisipang komunista ay lansagin ang umiiral na sistema upang ang komunismo ang maghari sa bansa.
Ayon naman kay ANAD Chairman Dodong Peleiso, karimarimarim din ang pagsuporta sa madugong rebelyon ng ibang party-list groups tulad ng Bayan Muna, Anak Pawis, Suara, Sanlakas, Migrante, Gabriela at Partido ng Manggagawa. Aniya, ang mga grupong ito ay nailuklok sa puesto sa Kongreso at gumagamit pa ng pondong mula sa gobyerno para isuporta sa NPA sa mga ginagawa nitong karahasan na bumibiktima pati sa mga inosenteng Pilipino.Well, that remains to be proven pero sang-ayon ako na dapat umaksyon ang gobyerno para siyasatin kung ang mga paratang na ito ay totoo.