Malaswa talaga! Maski kami ay naniniwalang may ibig sabihin ang ad na "kinse". Sana ay binuo na lang ang salita at ginawang "NAKATIKIM KA NA BA NG KINSE AÑOS NA ALAK? O kayay "NAKAINOM KA NA BA NG KINSE AÑOS NA BRANDY". Mas malinaw at hindi na dadayain pa ang makababasa na hahantong pa sa pag-iisip ng kung anu-ano. Para sa amin, okey lang ang pag-alma ng Gabriela at "pagsakay" ni Lim.
Ang hindi okey, masyadong natuon lamang ang pansin ng Gabriela at ni Lim sa ad ng "kinse" at hindi na nila napansin ang iba pang malaswa sa kapaligiran na mas sumisira pa sa kaisipan ng kabataan, hindi lamang mga kinse anyos kundi kahit na matatanda na maaaring makagawa ng panggagahasa at iba pang krimen.
Bakit hindi napapansin ng Gabriela at ni Lim ang mga nagkalat na malalaswang tabloids sa mga bangketa sa maraming lugar sa Metro Manila. Mas nakita pa ng Gabriela at ni Lim ang nasa itaas na billboard gayong kung titingin sila sa ibaba ay makikita ang mga nakabuyangyang na "mani" at mga "papaya" na nakatinda at dinadaan-daanan ng mga kabataan na may edad kinse anyos. Malaswa talaga! Ibat ibang posisyon ang mga naka-retrato at sa pangalan pa lamang ng tabloid ay hindi na mag-iisip kung ito nga bay malaswa o hindi. "SAGAD, KATAS, BOSO" ang mga pangalan. Mas matindi kaysa "kinse" na nagpasulak sa Gabriela na sinakyan naman ni Lim.
Matagal nang nakakalat ang mga porno tabloid sa bangketa, at mas nauna pa sa "kinse" ad. Araw-araw ay nakikita ng mga kabataan, kalalakihan, pero nakapagtatakang hindi naman nakita ng grupong Gabriela o maski ni Lim. Hindi rin naman nabibigyang-pansin ng mga mayor, vice mayor at iba pang pinuno ng lungsod at bayan. Election kasi at mas nakatuon sila kung paano hahakot ng boto.
Wala ring magawa ang Philippine National Police at ang National Bureau of Investigations sa dumaraming pornographic tabloids. Nararapat na kasuhan ang publisher ng mga porno tabloids para mahinto ang pagkalat sa mga bangketa. Bat di makialam ang Gabriela o si Lim sa problemang ito?