Mawawala pa kaya ang corruption ?

MATAGAL nang alam ng mamamayang Pilipino na kaya hindi umangat ang ekonomiya ng ating bansa ay dahil sa corruption. Hindi lamang sa gobyerno nagaganap ito kundi pati na sa pribadong sektor. Naging kalakaran na at parte na ito ng ating sistema. Hindi aandar ang lahat kung hindi isisingit ang katiwalian. Kasama na sa kulturang Pinoy ang katiwalian.

Dahil sa corruption wala nang mga foreigners ang gustong magnegosyo dito sa Pilipinas. Isa sa mga balita kahapon ang pahayag ni US Embassy Charge of d’Affaires Joseph Mussomelli na kailangang harapin ng ating pamahalaan ang problema ng katiwalian.

Hindi maaaring itago ang pamamayagpag ng katiwalian sa bansa. Noong nakaraang taon nasa listahan ng Transparency International (TI) ang Pilipinas bilang isa sa pinaka-corrupt na bansa sa buong mundo. Sa bagong report ng Transparancy International, ika-10 si dating president Joseph Estrada sa mga corrupt leaders. Si dating diktador Ferdinand Marcos ay ikalawa sa mga pinaka-corrupt.

Papaano ba mawawalis ang corruption dito sa ating bansa? Kailangan ay may political will ang mga magiging lider ng ating bansa. May paninindigan, may prinsipyo, walang pinapanigan, walang kamag-anak, walang kaibigan. Walang pampersonal na interes kundi para sa bayan at mga mamamayan lamang ang ipatutupad.

Mayroon ba sa mga presidentiables ngayon na makasusupil sa problemang corruption? Hindi na lingid sa kaalaman na bilyun-bilyong piso ang lalaspagin ng sino mang mananalong presidente ng ating bansa sa darating na eleksiyon sa May 10. Saan nanggaling ang gagastusing ito at papaanong ibabalik ito? Dito pa lang, pinag-iisipan na namin kung walang magaganap na corruption? Kaya, nasa inyong mga kamay ang pag-asa natin ng ating bansa. Pumili ng mahusay kung sino ang mamumuno sa ating bansa.

Show comments