Ayon sa saliksik ng Philippine Center for Investigative Journalism, habang bumabata ang populasyon, tumatanda naman ang Kongreso. Kalahati ng lipunan ngayon ay edad 25-pababa; kalahati ng 40 milyong botante ay edad 18-35. Pero karamihan sa mga representante ay edad 36-pataas; 13% lang ang edad 25-35.
Kalahati ng populasyon at ng mga botante ay babae. Pero 18% lang ng mga representante ay babae.
Halos 40% ng populasyon ay mahihirap. Pero nung 1992, 44% ng representante ay galing sa upper class; 49% ang galing sa upper-middle; 7% lang ang buhat sa lower-middle. Sa Kamara nung 1992-95, ang karaniwang yaman ng representante ay P8.4 milyon. Sa Kamara nung 1995-98, naging P21 milyon; at nung 1998-2001, P22 milyon na.
Nung 1946, 21% ng mga representante ay anak ng angkan-politiko. Ngayon, 31% na sa kanila ang nagmana ng puwesto sa magulang.
Malinaw sa estadistika na hindi tunay na representante ng lipunan ang Kamara. Sila-sila na lang, minamana, yumayaman at tumatanda sa puwesto. Hindi makapasok ang mga bata, mga lower class, mga baguhan o mga babae.
Isang solusyon dito ay liitan ang mga distrito. Sa ngayon, puwede lang hatiin ng Kongreso ang isang distrito kapag lumampas sa 300,000 ang dami ng botante. Pero ni hindi ito nasusunod. Sa 2nd-district ng Quezon City, halimbawa, 540,000 na ang rehistradong botante, pero hindi pa rin hinahati sa dalawa o tatlo.
Sa ibang bansa, hindi lalampas sa 100,000 botante kada distrito. Sa ganung paraan, nagkakalakas-loob ang mga bata, lower class, baguhan at babae na kumandidato bilang representante. Mas mura ang gastos sa kampanya. Mas naaasikaso ng representante ang kapakanan ng mga nasasakupan. Nagiging mas maunlad ang bansa sa kabuuan.