Hindi lang yon. Legal guardian ngayon si Espiritu ng binatilyo ni FPJ. Inuugnay si Marin sa angkang pulitika ng running mate ni FPJ. May lima pang babaing anak sa labas si FPJ.
Pero hindi ang mala-tsismis items ang mahalaga, kundi ang pakay ng grupo ni Espiritu. Siya raw ang founder ng Concerned Entrepreneurs and Professions for Progress. Bise rin siya ng Freedom, Progress and Justice (FPJ) Crusade.
Bagamat may leading role siya sa kampanya, umiiwas si Espiritu sa mga mamamahayag. Pero ayon sa website nito, ang kanyang CEPP ang "namumunong tining at nabubukod na grupong-negosyante" ni FPJ. Misyon daw nito na "umisip, sumuporta at isagawa ang mga plano at kilos para isulong ang ekonomiya." Iwas-interview si Espiritu, tulad ni FPJ. Pero tila ngayon pa lang ay iginigiit na ng CEPP ang magiging papel nito sakaling maging presidente si FPJ.
Napapabalik tuloy sa isip ang mga alipores ni Joseph Estrada, na sanggang-dikit ni FPJ. Nung 1998 campaign, tahimik lang na nangalap ng pondo at suporta sina Mark Jimenez, Atong Ang at mga kasugalan ni Erap sa exclusive 415 Club sa San Juan. Nang manalo si Erap, lumantad na sila. Pero sa gabi lang. Sila ang naging business cronies. Ayon mismo sa chief of staff ni Erap, magdamagan ang sugalan sa Malacañang habang niluluto ang malalaking raket. Ganun naplano ni Jimenez ang pagwaldas ng pera ng SSS at GSIS para maka-kickback sa bentahan ng Equitable-PCIBank. Ganun din napabalato kay Atong ang Bingo-2 Ball na pangkubli sa takeover nila sa jueteng sa Luzon.
Alam na ng madla kung sino ang nakinabang sa plunder ni Erap. Ipinagpatayo niya ng mga mansiyon ang maraming mga kabit.