EDITORYAL - Maraming kinse anyos na nagra-rugby at namamalimos

NAKAKITA na ba kayo ng kinse anyos na nagra-rugby at namamalimos? Napakarami. Karaniwan na lamang itong makikita sa maraming lugar sa Metro Manila ngayon. Kumpol-kumpol sila sa dilim. May mga lalaki at babae. Hindi lamang kinse anyos kundi mula nuwebe hanggang katorse anyos ay "nagpapatuyo" ng utak. Sila ang mga batang lansangan, na para malimutan ang "bagyo" ng buhay ay pagsinghot ng rugby ang binalingan. Pero ang nakapagtataka, sa kabila na naglitawang parang kabute ang mga batang lansangan, walang may maglakas ng loob na tulungan silang maialis sa kinasadlakang buhay. Meron na ba kayong nakitang mga civic groups o mga nagkaka-wang-gawang grupo na nagsikap tulungan ang mga batang lansangang ito. Maski ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay hindi rin nakikita ang kalagayan ng mga batang lansangan.

Maski ang grupong Gabriela na ngayo’y kandidato para sa party list ay hindi rin naman nakikita ang kalagayan ng mga batang lansangan na may edad ngang kinse anyos pababa. Mas napagtuunan ng pansin ng Gabriela ang malalaking billboard na may nakasulat na "NAKATIKIM KA NA BA NG KINSE ANYOS?" na advertisement ng isang brandy. Ayon sa Gabriela, isang paglapastangan sa mga kabataang kababaihan ang tinutukoy ng advertisement. Offensive ang dating sa kababaihan. May double meaning at mayroong sexual insinuations. Nag-rally sa harapan ng kompanyang gumagawa ng brandy ang Gabriela at hiniling na tanggalin ang malalaking billboard. Kung hindi, iboboykot ang brandy.

Ang "kinse anyos" ad ay sinakyan na rin ng mga pulitiko. Naglutangan ang mga kandidato sa pagka-senador na sina Alfredo Lim, dating actress Boots Anson-Roa at Amina Rasul. Magandang behikulo para pag-usapan ang kontrobersiyal na "kinse anyos" kaya gumawa nang mas matindi si Lim. Inakyat nito ang billboard sa Roxas Blvd. at ginupit ang portion na may salitang "kinse". Nahaharap sila ngayon sa kasong malicious mischief at destruction of private property.

May mga sariling layunin ang bumabatikos sa "kinse anyos" ad pero bakit kailangan pang ilayo ang mga mata sa pagtingin kung ang hangad ay para sa ikabubuti ng mga kabataan. Bakit hindi nila makita ang mga batang lansangan na nagpapatuyo ng utak at namamalimos? Bakit hindi nila batikusin ang DSWD sa kawalang programa para sa mga batang lansangan. Ngayo’y pati pang-iisnatch, pandurukot at iba pang uri ng pagnanakaw ay ginagawa na ng mga "kinse anyos". Nakita lamang ba ng Gabriela, Lim, Anson-Roa at Rasul ang "kinse anyos" ad dahil magandang behikulo sa kanilang pansariling interes – ang mahalal sa puwesto. Isipin n’yo.

Show comments