Ang alibughang anak

ANG talinhaga ng alibughang anak ang kinikilalang pinakamaganda at pinaka-nakakaantig sa lahat ng mga talinhaga. Ang pamagat ay "Alibughang Anak," subalit ang totoo ay ang ama ang alibugha. Siya ay alibugha sa kanyang anak.

Ang unang tatlong talata sa talinhaga sa ebanghelyo ni Lukas ay nagsasabi sa atin na isinalaysay ni Jesus ang naturang talinhaga sa harap ng mga Pariseo at mga Eskriba. Pinupuna nila si Jesus sapagkat nakikitungo ito sa mga tagakolekta ng buwis at iba pang mga makasalanan (Lk. 15:1-3, 11-32).

Ang mga publikano at ang mga makasalanan ay nagsisilapit upang makinig kay Jesus. Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga eskriba, at ang sabi, "Ang taong ito’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila." Kaya sinabi sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito:

"May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Ang wika ng bunso, "Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko." At binahagi sa kanila ng ama ang kanyang ari-arian. Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunsong anak ang kanyang ari-arian at nagtungo sa malayong lupain, taglay ang buo niyang kayamanan, at doo’y nilustay na lahat sa di wastong pamumuhay. Nang malustay na niya ang kanyang kayamanan, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing yaon, at naghirap siya. Kaya namasukan siya sa isang mamamayan ng lupaing yaon. Pinaparoon siya nito sa bukid upang mag-alaga ng baboy. Ibig sana niyang punan ang kanyang pagkain kahit ng mga bungang-kahoy na ipinakakain sa mga baboy ngunit walang magbigay sa kanya. Ngunit nang mapag-isip-isip niya ang kanyang ginawa, nasabi niya sa sarili, "Ang mga alila ng aking ama ay may sapat na pagkain – at lumalabis pa – samantalang ako’y namamatay dito sa gutom! Babalik ako sa aking ama, at sasabihin ko sa kanya, "Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila." Tumindig siya at nagtungo sa kanyang ama.

"Malayo pa’y natanawan na siya ng ama at ito’y labis na nahabag sa kanya, kaya patakbo siyang sinalubong, niyakap at hinagkan. Sinabi ng anak, "Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak." Ngunit sinabi ng ama sa kanyang alila, "Madali! Dalhin ninyo rito ang pinakamahusay na damit at isuot sa kanya. Suutan siya ng singsing at panyapak. Kunin ang pinatabang guya at patayin; kumain tayo at magsaya! Sapagkat namatay ang anak kong ito, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan."

Nasa bukid noon ang anak na panganay. Umuwi siya, at nang malapit na sa bahay ay narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga alila at tinanong: "Bakit? May ano sa atin?" Sumagot ito sa kanya, "Dumating po ang inyong kapatid! Ipinapatay ng inyong ama ang pinatabang guya, sapagkat nagbalik siyang buhay at walang sakit." Nagalit ang panganay at ayaw pumasok. Kaya lumabas ang kanyang ama at inamu-amo siya. Ngunit sinabi niya, "Pinaglingkuran ko po kayo sa loob ng maraming taon, at kailanma’y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang bisirong kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. Subalit nang dumating ang anak ninyong lumustay ng inyong kabuhayan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo ng pinatabang guya!" Sumagot ang kanyang ama, "Anak, lagi kitang kapiling. Ang lahat ng ari-arian ko’y sa iyo. Ngunit dapat tayong magsaya at magalak, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan."


Ang pagkaalibugha ng ama ay ipinakita sa pamamagitan ng kanyang pagtanggap sa kanyang anak nang ang huli ay bumalik. Tumakbo ang ama upang salubungin ang anak. Niyakap at hinalikan ito. Iniutos niya sa mga katulong na lagyan ang anak ng pinakamagarang dami. Sinuutan din ito ng singsing at panyapak. Ipinapatay ang pinakamatabang guya at inanyayahan ang mga kapitbahay upang magdiwang sa pagbabalik ng anak.

Sa gitna ng ingay at pagdiriwang, ang nakatatandang kapatid ay dumating. Napagsabihan na bumalik na ang kanyang kapatid, ang nakatatandang kapatid ay tumangging makipagdiwang. Siya ay perpektong larawan ng mga Eskriba’t Pariseo. Tumanggi silang magbagong-loob.

Huwag sana tayong maging tulad ng mga Eskriba’t Pariseo. Ang ating Ama ay mapagmahal. Kung tayo’y nagkasala, patuloy niya tayong hinihintay, upang tayo’y magbalik. Handa ang Ama na yakapin tayo. Tatanggapin niya tayo muli sa kanyang mapagpalang mga bisig.

Show comments