Paulit-ulit na inihayag ni Lacson na hindi nagsimula sa kanya ang ideya ng pag-uusap nila ni FPJ kundi sa kampo ng aktor. Idiniin ng senador na walang makapagpipigil sa pagtakbo niya sa pagka-pangulo. Kayat, pinangungunahan niya na kaagad na sabihin ito sapagkat baka aniya iniisip ni FPJ at ang mga kasamahan nito na paatrasin siya sa pagtakbo sa pagkapangulo at kunin siya nito bilang bise presidente.
Ipinahayag pa ni Lacson na maaari siyang pumayag na magkasama sila ni FPJ kung ito ay magiging bise-presidente niya. Sinabi pa ni Lacson na siya ang may karanasan at pinag-aralan upang maging presidente ng bansa. Maliwanag at mukhang kapani-paniwala ang mga pinakakawalang kataga ni Lacson na hindi siya uurong at desidido siyang patuloy na kumandidato sa pagka-presidente kahit na aniya sabihin pang kulelat pa sa mga lumalabas na survey na hindi naman daw niya pinaniniwalaan.
Nitong nakaraang Martes, dapat sana ay nakatakda na namang mag-usap ang dalawa subalit nakansela naman ito. Galit na nagpahayag si Lacson na ang humaharang na magkita sila ni FPJ ay sina Senator Ed Angara at Senator Tito Sotto. Binira naman ng dalawa si Lacson at sinabing masyadong madaldal ito. Ginagamit umano ni Lacson ang pag-uusap nila ni FPJ upang umusad ang kanyang rating.
Palagay ko may pagka-moro-moro ang unity talks nina Lacson at FPJ. Palabas lamang nila ito upang mapag-usap ang dalawa. May mga haka-haka na umuugong na baka magsama pa rin ang dalawa sa bandang huli, kapag malapit na ang eleksiyon. Sa ngayon, hinahayaan nilang pag-usapan sila ng taumbayan kung sino ang matitirang tumakbo sa pagka-presidente at kung sino ang bababa sa pagka-bise presidente. Pulitikang-pulitika ang dating, ano po? Mukhang tayong mga mamamayan ang niloloko ng mga pulitikong ito, di po ba?