Sa ibat ibang bahagi ng mundo, tumatayo naman ang ibang mga pader. Sa Israel patuloy ang konstruksiyon ng 700-kilometrong bakod na konkreto sa West Bank, halagang $1.4 bilyon. Binalaan ng United Nations ang Israel na labag ito sa karapatang pantao. Umiiling ang mga Palestino na ilegal na sinasakop ng pagpapader ang teritoryo nila. Nahahati ang mga kabayanan, at mga magsasaka mula sa mga palayan nila.
Sa silangang India apurahan ang pagpader sa 4,894-km border ng Bangladesh sa loob ng tatlong taon. Dapat daw harangan ang pagpasok ng mahihirap na Bangladeshi. Sa kanluran, meron nang pader na barbed wire sa gilid ng Pakistan para itakwil umano ang mga terorista. Sa hilaga, magbabakod din, 767 km, sa border ng Jammu at Kashmir.
Nun pang nakaraang dekada nagpader ang Malaysia ng 20- sa 500-km border ng Thailand, halagang $1.8 milyon, para itakwil ang drug smugglers. Ngayon Thailand naman ang magpapatuloy ng pagbabakod para harangan ang Islamist terrorists.
Mahigit 3,200 km ang border ng US at Mexico; 130 km ang may bakod para hindi makatawid ang mahihirap na Chicano sa California at Texas. Hahabaan pa nang 23 km dahil sa illegal immigrants.
Sa ibang dako winawasak ang mga pader na hadlang sa mabuting ugnayan ng mga tao. Dekada-80 nang tibagin ang Berlin Wall. Sa 248-km demilitarized zone pagitan ng North at South Korea-pinaka-kakila-kilabot na lugar sa mundo, ayon kay Bill Clinton-binubunot na ang libu-libong landmine. Gumaganda na ang relasyong North-South. Naglalatag na ng riles ng tren mula Seoul sa South patungong Kaesong sa North.
Buti sa Pilipinas, bakuran lang sa sayawan ang uso.