EDITORYAL - Palakpakan ang Comelec

SA wakas, nagkaroon din ng talino sa pagpapasya ang Commission on Election (Comelec) kung idi-disqualify o hindi ang isang kandidato sa pagka-presidente. Mahigit isang buwan na lang at eleksiyon at dapat palakpakan ang Comelec sa kanilang ginawang pagpapasya sa isang presidentiable na naging sentro ng katatawanan sa loob din nang may dalawang buwan.

Dinisqualify ng Comelec si presidentiable Eddie Gil at itinuring itong "nuisance candidate" o "panggulong kandidato". Walang kakayahan si Gil, ayon sa Comelec na magdaos ng kampanya. Naging basehan din ang pagkalas ng apat na senador sa tiket ni Gil sapagkat wala nga itong kakayahan. Nakabigat pa kay Gil ang mga akusasyon na hindi ito nagbabayad sa hotel na tinutuluyan o sa mga restaurant umano na kinakainan nito at ng kanyang mga kasama.

Naging malaking palaisipan din ang mga mali-maling pagsagot ni Gil sa mga interview sa kanya. Isa sa mga nakagulat na pahayag ni Gil ay nang sabihin nitong gagawing dollar ang pera ng Pilipinas. Pinangako rin nito na kung siya ang magiging presidente ay babayaran lahat ang utang ng bansa at bibigyan ng tig-P1 milyon ang bawat Pinoy. Lahat umano ay manggagaling sa sarili niyang bulsa.

Nakapagtataka na masyadong mahina ang Comelec na umiksamen sa qualifications ng presidentiables. Hindi ba nakahalata ang Comelec nang mag-file nang certificate of candidacy si Gil sapagkat ang isinulat niya sa SEX ay "Filipino" sa halip na male. Dapat noon pa ay nagkaroon na ng duda kung "panggulo" nga lamang ba si Gil. Pero hindi ganyan ang nangyari. Nakalusot ito at naka-pangampanya pa sa malalayong probinsiya. Kahit pa ba sabihing kakaunti lamang ang naniniwala kay Gil at hindi ito mananalo bilang presidente, hindi na sana hinayaan pang "makapanggulo" pa.

Naging kontrobersiya na ang Comelec sa palpak na "automation project". Dalawang beses humirit ang Comelec na magamit ang mga automated counting machines (ACMs) ng Mega-Pacific pero hindi umubra sa Korte Suprema. Ang ibinasura ay hindi na nararapat pang pulutin. Ngayo’y sa pag-eeksamin ng "panggulong kandidato" ay nalagay na naman ang Comelec sa katawa-tawang sitwasyon.

Ganoon pa man, dapat pa ring palakpakan ang Comelec sapagkat nakapagpasya rin sila nang matalino tungkol sa kontrobersiyang ito. Sana’y ito na ang huling katatawanan sa panig nila.

Show comments