Marami nga ang nagtataka kung bakit naging masyadong maluwag sa pagpayag na makapasok si Eddie Gil na maging kandidato kahit na sa simulat simula pa lamang ay hindi na kapani-paniwala ang mga inihahayag nito na katulad ng babayaran nito ang pagkakautang ng Pilipinas kapag nanalo siya. Nais nitong paniwalain ang taumbayan na umaapaw ang kanyang pera samantalang balitang-balita na hindi niya mabayaran ang kanyang hotel bills at hindi nito diumano tinutupad ang pangako na siya ang sasagot sa mga gastusin ng mga kasama niyang kandidato sa pagka-senador.
Sabagay, kahit na naging mabagal ang aksyon ng Comelec sa kaso ni Gil, hindi pa rin huli na mapatalsik ito. Maaaring blessing in disguise ito para kay Gil sapagkat inilalayo na siya sa pagkakabaon pa. Tutal naman, wala naman talaga siyang kapana-panalo na maging presidente.
Samantala, isang grupo ng mga abogado na kabilang sa Pro-Constitution (Pro-Con) ang naghain ng petisyon sa Comelec upang ma-disqualify si President Gloria Macapagal-Arroyo dahil lumampas ang TV ad nito ng 69 minutes. Ang Pro-Con ay ang grupo rin na naghain ng electioneering charges sa Philippine Charity Sweepstakes at PhilHealth dahil diumano sa paggamit ng mga ito ng pondo ng gobyerno.
Hindi ko alam kung sino talaga ang mga nasa likod ng Pro-Con. Ang maliwanag lamang ay hindi sila kapanalig ni GMA. Hindi rin sila mga tagahanga ni Comelec Chairman Ben Abalos. Inilalagay ng mga ito ang Comelec at si Abalos sa sentro ng pagsubok at sa hindi kanais-nais na kalagayan. Abangan kung papaano makakaalpas sa kagipitan ang Malacañang at ang Comelec sa pagkakataong ito samantalang maghihintay na nag-iisa si Eddie Gil sa labas ng bakod ng Comelec.