Nang ipasukat ng mga may-ari ang kanilang lupa, natuklasan nila na ang village subdivision ng mga tagapagmana ay kumain ng 3,110 square meters ng kanilang lupa. Kaya, hiniling nila sa mga tagapagmana na itigil nito ang anumang balak na paggawa sa lupa at alisin din ang lahat ng mehorang nakatayo na. Subalit tumanggi ang mga tagapagmana dahil hindi naman daw nila nasakop ang lupa base na rin sa Bureau of Lands. Kaya, napilitan ang mga may-ari ng lupa na magsampa ng kaso sa Korte ng recovery of possession with damages.
Matapos ang paglilitis, pinaboran ng mababang Korte ang mga tagapagmana. Ayon din sa Korte, ang naging report ng mga engineer mula sa Bureau of Lands ay mas kapani-paniwala.
Samantala, umapela ang mga may-ari ng lupa sa Court of Appeals (CA) sa isyu ng tamang lokasyon ng hangganan sa pagitan ng dalawang magkalapit na lupa. Matapos pumayag ang mga partido, iniutos ng CA ang pagsusukat sa pamamagitan ng isang grupo ng mga surveyors limang teknikal na tauhan kung saan ang tatlo ay mula sa Land Registration Authority (LRA) samantalang ang dalawa ay sina Engr. Leon na kinatawan ng mga may-ari ng lupa at si Engr. Basco naman ng mga tagapagmana. Samantala ay inatasan si Engr. Castro ng LRA na mamuno sa binuong grupo ng mga manunukat ng lupa.
Ang aktwal na pagsusukat ng lupa ay naisagawa lamang nina Engr. Castro at ng tatlong tauhan mula sa LRA. Pagkatapos nito ay isinumite ni Engr. Castro ang report sa CA kung saan napag-alamang ang subdivision ay sumakop ng 3,235 square meters sa lupa ng kalapit nitong lote.
Kinuwestiyon ito ni Engr. Basco. Ang pagsusukat daw ay naisagawa nang wala siyang presensya dahil hindi raw siya naabisuhan ng eksaktong petsa nito. Bukod pa rito, ang mga engineer daw ng LRA ay walang awtoridad mula sa CA.
Subalit, nanindigan ang CA sa naging desisyon nito base na rin sa naging maayos na pagsukat, pagkuwenta at pagsusuring teknikal. Tama ba ang CA?
MALI. Ang pagkukulang ni Engr. Castro nang hindi nito nabigyan ng abiso si Engr. Basco ng petsa ng pagsusukat upang ito ay lumahok, ay isang matinding paglabag sa karapatan ng mga tagapagmana sa makatarungang proseso lalo nat nagresulta ito ng pagbawi ng kanilang pag-aari sa sukat na 3,235 square meters.
Dapat sana ay nakalahok ang mga engineer ng mga partido upang ang mga interes nito ay naprotektahan. Ang pagsusukat upang matukoy ang hangganan sa pagitan ng dalawang lote ay masusing isinasagawa upang maiwasan ang pagkawala sa pag-aari ng mga partido. (Spouses Casimiro and Pascual vs Court of Appeals et. al., G.R. 136911, February 11, 2003)