Pinagbabaril ng dalawang hindi kilalang lalaki sina Magsino at Fortu, ilang oras makaraang mangampanya si President Arroyo at vice presidentiables Noli de Castro sa Calapan City. Si De Castro ay isang Mindorenyo, mula sa Pola, na ilang kilometro ang layo sa Naujan na pinangyarihan ng krimen. Nakasakay sa isang Revo ang dalawang biktima nang harangin ng mga suspect dakong alas-siyete ng gabi. Pinagbabaril ang dalawa. Tinamaan sa likod at batok. Nagawa pang mapatakbo ni Magsino ang sasakyan kahit may tama pero sinundan pa ng mga suspects at pinagbabaril pa uli. Sumadsad sa isang palayan ang sasakyan. Doon na namatay ang dalawa. Walang anumang nakatakas ang dalawang assailants.
Ang mga sundalong miyembro ng 204th Infantry Battalion ang itinuturong nasa likod ng mga pagpatay sa Or. Mindoro. Noong nakaraang taon ang batalyon ding ito ang sinasabing may kagagawan sa pagpatay kina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy at isang babaing kasamahan. Natagpuan ang bangkay ng dalawa sa isang highway malapit sa Gloria, isang bayan pa sa Or. Mindoro noong Easter Sunday ng nakaraang taon. Ang commander ng 204th IB na si Gen. Jovito Palparan ang itinurong nasa likod ng krimen. Itinanggi naman ito ni Palparan. Ni-relieved si Palparan pero kataka-takang na-promote pa at ngayoy nasa Iraq.
Bakit wala pang naaarestong suspects sa Magsino-Fortu murders? At bakit maagang nagpahayag ang Malacañang na solved na ang kaso gayong sinabi ng human rights group sa nasabing lalawigan na ni isang suspect ay wala pang nadadakip. Ano ba ito? Kung kaduda-duda ang presensiya ng 204th IB sa nasabing lalawigan at lagi na lang nasasangkot sa patayan, ano pa ang hinihintay ng Armed Forces of the Philippines at hindi alisin ito. Hihintayin pa bang may maulit na pagpatay? Kailangan pa bang may dumanak na dugo? Ang pakikialam ni De Castro sa kanyang mga kababayan ay kailangan na.