Sinabi sa natanggap kong sulat na ipinatawag ni Madrona ang mga opisyales ng lahat ng barangay sa Romblon noong nakaraang Feb. 27, pati mga miyembro ng Barangay Fisheries and Aquatic Resource Management Councils (BFARMC). Ipinamahagi sa mga opisyales ng barangay at BFARMC ang mga dokumento kabilang na ang purchase order na nagsasaad na sumasang-ayon sila sa pagbili ng medisina para sa bawat barangay na nagkakahalaga ng P10,627. Siyempre pa, nagpirmahan lahat ng dumalo sa meeting dahil sino ba naman ang aayaw sa libreng gamot no? Pero nagimbal ang mga Romblomanon ng matuklasan nilang sobrang mahal pala ang gamot na ipinamudmod sa kanila. Ika nga imbes na gumaling ang karamdaman nila eh lalong lumala pa dahil sa kaiisip na nagamit sila ng mga opisyales nila, he-he-he! Di bale, may panahon pa kayo para bumawi.
Ayon pa sa sulat, ang nasa likod pala ng raket na ito ni Madrona ay itong si Fred Dorado na dating hepe ng General Services Office (GSO) ng Romblon. Bago nag-resign si Dorado noong Enero para tumakbo bilang bokal sa May elections, eh nag-release ito ng P14 milyon para pambili nga ng mga gamot. At ang buwenas na kompanya na napili nitong sina Madrona at Dorado ay ang Virgo Pharmalab na may opisina naman sa 17 Hernani St., Sta. Mesa Heights, Quezon City. Pero halos tatlong doble ang tubo ng grupo kung ang listahan ng concerned citizen ang paniniwalaan natin. Lumitaw na masyadong mahal ang mga gamot ng Virgo Pharmalab kumpara sa mga botika sa Romblon, he-he-he! Maliwanag na nagisa sa sariling mantika ang taga-Romblon, di ba mga suki?
Ayon sa checklist na natanggap ko, ang Amoxicillin ay ibinenta ng Virgo Pharmalab kay Madrona sa halagang P220 per piraso. Mefenamic Acid P125, Paracetamol syrup P145 at Carbocisteine P157.30. Nang ikutin ng taga-Romblon ang mga botika sa probinsiya ito ang kinalabasan ng mga presyo sa magkasunod na gamot: Romblomanon Drughaus P60, P30, 76 at 57; Maxigen Pharmacy P50, P40, P38 at P40; Punzalan P52, P45, P38 at P40 at sa Rodleen P55, P45, P40 at wala silang Carbocisteine. Bakit ba ang mahihirap ang malimit ninanakawan nitong opisyales ng gobyerno natin? Sobra na, tama na! Tsugiin nyo na mga suki diyan sa Romblon itong sina Madrona at Dorado!