Dapat din daw namang makatikim ng makataong trato ang dating presidente. Kahit na naakusahan ng pandarambong at pagsira sa pagtitiwala ng taumbayan si Estrada, kasama ang kanyang anak na si dating vice mayor Jinggoy Estrada, dapat pa rin daw siyang pakitaan ng awa. Mula sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City ay inilipat sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal si Erap. Ang paglipat niya ay napakaraming sumingaw na dahilan. Kaya ililipat sa Capinpin ay dahil may nagtatangka sa buhay ng dating presidente. May nagtatangka raw itakas ito sa VMMC. Inilipat sa Capinpin si Erap noong Oct. 16, 2003.
Pero ngayon ay sumingaw na ngang tuluyan na naka-house arrest na pala si Erap. At parang pinagtiyap ng pagkakataon na ang Capinpin ay halos katapat pala ng resthouse ni Erap. Eksakto rin naman na ang pagbibigay ng makataong trato kay Erap ay nataon na malapit na ang election. Pinabulaanan naman ng kampo ni Mrs. Arroyo na ang house arrest kay Erap ay may kinalaman sa darating na election.
Nasa kultura na ng mga Pinoy ang pagiging maawain at mapagpatawad. Kaunting panahon lang ang palipasin at tiyak na malilimutan na ang nagawang kasalanan. At hindi naiiba riyan si Mrs. Arroyo sa pagsasailalim sa house arrest kay Erap. Pero kailan ba hindi tinratong tao si Erap? Mula nang makulong siya noong April 2001, nasa malinis na bilangguan ang dating presidente. Hindi siya naging katulad nina Chun Doo-hwan at Roh Tae-woo, mga dating president ng South Korea na ipinoposas.
Tratong tao para kay Erap. Pero sana, makita rin ni Mrs. Arroyo ang kawawang kalagayan ng mga bilanggo na parang sardinas sa pagsisiksikan sa mga city jails. Maraming may sakit sa balat dahil walang ventilation ang kulungan. Para silang mga paniking nagsabit sa loob. Tratuhin din silang tao.