Si presidentiable Raul Roco ang naunang nagpanukala na dapat na magkaroon ng nationwide television debate ang mga kandidato sa pagka-pangulo. Sinabi ni Roco na alam niyang sina Bro. Eddie Villanueva at Senador Ping Lacson ay handang makipag-debate at bibigyan niya ng partida sina FPJ at PGMA.
Sa debate ay malalaman ng mga botante kung may kaalaman at karanasan ang ihahalal nilang presidente na dapat maging maka-Diyos at makatao at may liderato para maibangon ang isang bansang patuloy ng lumulubog sa kumunoy na sandamukal na utang kabilang na ang foreign debts, mga karahasan ng mga elementong kaaway ng lipunan at ang lumulubong populasyon na sanhi ng pagdarahop at pagkaduhagi. Sa madaling salita ang presidential debate ay barometro kung sino ang matalino at bobo.