Isang gabi, habang wala pa si Poldo, si Max, trabahador din sa bukid ay biglang pumasok sa kusina kung saan naroon si Nita at ang lima nitong anak. Dahil may hawak na itak at kutsilyo si Max, walang nagawa ang limang anak habang kinakaladkad papalabas ang kanilang ina. Dinala ni Max si Nita sa isa pang farmhouse na may layong 200 metro. Doon ay pinagsamantalahan nito si Nita habang nakatutok ang kutsilyo sa leeg nito.
Kahit na pinagbantaan ni Max si Nita na huwag magsalita, nagkaroon pa rin ito ng lakas ng loob ng magreklamo ng rape sa awtoridad. Sinampahan ng kaso si Max at nahatulan ng reclusion perpetua. Kahit na nakasaad ang aggravating circumstance na dwelling sa information, hindi pa rin ito isinaalang-alang ng Korte dahil nangyari raw ang rape sa ibang farmhouse. Tama ba ang Korte?
MALI. Ang dwelling ayon sa Revised Penal Code Art. 14 par. 3, ay maaaring pag-aari o hindi ng biktima. Ang biktima ay maaaring boarder, bed spacer o nangungupahan lamang. Sa kasong ito, dapat ay isinaalang-alang ng Korte ang dwelling bilang aggravating circumstance. Ang kusina kahit na hindi sa pag-aari ni Nita ay masasabing kanyang tirahan.
Hindi materyal kung nangyari ang rape sa ibang lugar, dahil sa tinitirhang kusina kinuha ang biktimang si Nita. Kahit na may aggravating circumstance na dwelling, naging reclusion perpetua pa rin ang parusa ni Max dahil nasuspinde ang death penalty nang mangyari ang krimen (People of the Philippines vs. De La Torre G.R. 98431, January 15, 2001).