Nailahad ko na nung makalawang linggo ang unang siyam na tanong na inakda ng Pagbabago@Pilipinas. Ngayon, 11 pang tanong sa mga detalyeng gagawin ng nais mag-Presidente. Walang pinapanigang kandidato ang mga tanong. Bahala sila sa sagot:
(1) Kung sakaling mahatulang guilty si Joseph Estrada, bibigyan mo ba siya ng presidential pardon?
(2) Maglalaan ka ba ng pondo para sa family planning at tamang dami ng anak?
(3) Tutuparin mo ba ang pangako ng Konstitusyon na reporma sa lupa bago mag-2010?
(4) Tututulan mo ba ang pork barrel? Kung ilusot ito ng Kongreso, ibi-veto mo ba at iipitin ang paglaan ng pondo para dito?
(5) Papayag ka ba sa negosasyong pangkapayapaan sa mga komunista at rebeldeng Muslim?
(6) Paano mo itataas ang kita ng gobyerno na di kukulangin sa 15% ng GDP habang protektado ang mahihirap?
(7) Isasa-pribado mo ba agad ang media enterprises na hawak ng gobyerno?
(8) Ilalahad mo ba ang service records ng lahat ng mahihirang sa PNP mula station chief hanggang pinaka-mataas na opisyal?
(9) Pabibilisin mo ba ang paglilitis ng lahat ng mga kaso para mabawi ang nakaw na yaman mula panahong-Marcos hanggang ngayon?
(10) Gagawin mo ba ang lahat para ibaba ang presyo ng koryente kapantay ng mga kapit-bansa?
(11) Itataas mo ba ang gugol ng gobyerno sa edukasyon na pantay o higit sa ratio sa budget nung 1987?
Ipapalathala ng P@P ang sagot ng mga presidential candidates.