Para sa pamunuan ng Dr. Jose Fabella Memorial College

WALANG karapatan ang anumang paaralan ‘‘i-DEMOTE’’ ang isang estudyante sa pamamagitan ng pagpapabalik nito sa lower year, lalo na’t kung pasado siya sa lahat ng kanyang mga subjects.

Sakaling may pagkukulang o may nagawang kasalanan ang isang estudyante, malaki man o maliit, hindi dahilan para patawan siya ng parusang DEMOTION.

Kapag ipinagpilitan pa rin ng paaralan ang parusang demotion base sa mga nabanggit na mga dahilan, maaaring wala na sa ‘‘katinuan ng pag-iisip’’ ang pamunuan ng paaralang ito.

Gusto kong maging sinlinaw ng sikat ng araw, PAGLABAG na ito sa karapatan ng estudyante! Nakahanda ang kolum na ’to maging ang aming investigative team sa TV ang ‘‘BITAG,’’ sumaklolo!

Layunin namin ang matuldukan at maituwid agad ang kabaluktutan ng pamunuan ng nasabing paaralan, pribado man o pampublikong eskwelahan.

Ganito ang reklamo ng isang graduating midwifery student ng Dr. Jose Fabella Memorial College, si Shirley Mateo. Simpleng pagkakamali, muntik nang mauwi sa malupit na kaparusahang DEMOTION, kung hindi pa ito sinilip ng ‘‘BITAG.’’

Ayon na mismo sa Commission on Higher Education (CHED), ang tanggapan na may kapangyarihan sa mga karapatan ng mga estudyante, HINDI raw puwedeng i-DEMOTE ang isang estudyante, kapag pasado siya sa ‘‘academics.’’

Nakahanda ring sumaklolo ang CHED kapag tinuluyan ng Dr. Jose Fabella Memorial College ang desisyon i-demote si Shirley Mateo sa tulong ng BITAG!

Ngayong araw, malalaman na kung tutuluyan ang DEMOTION o hindi laban kay Shirley. Nitong Sabado ng umaga, napag-alaman kong nagsampa raw ng reklamo ang principal ng Fabella laban sa ‘‘BITAG,’’ sa tanggapan ng presidente ng IBC-13. Ang kaso… ‘‘rude’’ (bastos) raw ako!

Pinalabas nu‘ng Sabado sa ‘‘BITAG’’ sa IBC-13, alas-7 ng gabi, ang reklamo ni Shirley. Nagsalita ang Deputy Executive Director ng CHED na si Atty. Julito Viteriolo sa harap ng BITAG, paglabag daw sa karapatan (ni Shirley) ang DEMOTION.

Gusto kong paalalahanan ang pamunuan ng Dr. Jose Fabella Memorial College, na i-sentro nila ang kanilang atensiyon sa DAHILAN ng problemang ito, huwag sa epekto. Ang isang kapalpakan ay hindi puwedeng tuwirin ng paggawa ng isa pang kapalpakan! Nu’ng isinasagawa namin ang interview sa opisina ni Mrs. Castro, nagpakita ng mga ngiting ‘‘nakakaloko’’ ang mga inerereklamong clinical instructor ni Shirley sa amin, nu’ng ipinatawag sila. Nasaksihan ito ng buong staff ng BITAG.

Binalewala namin ito nu’ng umpisa hangga’t sa matapos na ang interview. At nung patapos na, off-camera, hindi ko na sila pinalagpas sa kanilang kabastusan.

Hindi kasama sa desente’t seryosong trabaho namin ’to, ang pakitaan kami ng kabastusan. Mahalaga ang bawat pumapatak na oras para sa ’min. Wala kaming panahong makipaglokohan. Gaya ng aming sinasabi, no-nonsense reality-based investigative team, ang ‘‘BITAG!’’ Seryosong paglabag sa karapatan ng estudyanteng si Shirley ang nakikita namin!

Maaaring hindi alam ng Dr. Jose Fabella Memorial College, may seryosong kaparusahan din para sa mga paaralan na lumalabag sa karapatan ng naabusong estudyante. Dito, malinaw ang CHED.

Show comments