Siraan man nila ang presidential debates, yon pa rin ang hinihingi ng batas. Ayon sa R.A. 6646 ng repormang halalan nung 1987: "Sec. 9. Public Forum. The Comelec shall encourage nonpolitical, nonpartisan private or civic organizations to initiate or hold, in every municipality and city, public fora at which all registered candidates for the same office may simultaneously and personally participate to present, explain and/or debate on their campaign platforms and programs and other like issues."
Dagdag pa ng R.A. 9006 nung 1997 para patas ang halalan: "The Comelec may require national television and radio networks to sponsor at least three debates among presidential candidates." Detalyado ang batas; itinakda ang tatlong debate: una, sa una o ikalawang linggo ng kampanya; ikalawa, sa ika-anim na linggo; ikatlo, sa ikasampu o ika-11 linggo.
Dapat lang nakakahati ang debate. Yon ang paraan para masala ng botante ang mga kandidato. Hindi naman puwede iboto silang lahat.
Aksiyon daw ang dapat, hindi daldal? Ang aksiyon ay magagawa lamang kung nanalo sa halalan. Sa ngayon, kailangan muna ilahad ang programa. Hindi puwedeng umaksiyon-Presidente ang hindi Presidente.
Bitag daw ang debate? Ng ano, ng kahinaan ng kandidato mag-isip o ng kawalan niya ng plataporma? E, di mabuti ito para sa botante.
Ang nais ng kampo ni FPJ ay puro demonstrasyon imbis na debate. Nung talakayin ng Comelec first division ang disqualification case niya, nanggulo sila sa labas. Nung en banc na ang tumalakay, nagpahiwatig si Pareng Erap na magkakagulo kung i-disqualify si FPJ. Nung umakyat sa Korte Suprema ang kaso, nagpiket sila miski walang permit. At ngayon, puro demonstrasyon ang pinaplano imbis na matinong usapan.
Bakit ba takot si Agila-Panday sa debate? Pare-pareho naman ang itatanong sa mga kandidato. Yun nga lang, walang script o dobol o cut.