Ano ang ginagawang hakbang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga batang lansangan. Meron o wala? Isang katibayan nang pagkapal ng mga batang lansangan ay ang nasa kanto ng Doroteo Jose St. at Rizal Avenue. Matagal nang namamalagi sa lugar na iyon ang mga batang lansangan at madalas din ang nangyayaring panghoholdap, pandurukot at panghahablot ng cell phone sa lugar na iyon. Mas madalas ang insidente sa gabi kung saan ay parang kabuteng naglitawan ang mga batang lansangan. Sa murang gulang na kinse anyos ay marunong na silang mangholdap at pumatay na rin. Nasaan ang DSWD na higit na may responsibilidad sa mga batang lansangan?
Noong Huwebes ay naaresto ng mga pulis mula sa Western Police District (WPD) Station 3 sa pamumuno ni Supt. Romulo Sapitula ang 15-anyos na lider ng "Diablo Junior Gang" na nambibiktima sa university belt area. Handang pumatay ang mga miyembro ng "Diablo" at wala nang kinatatakutan. Armado ng baril at iba pang sandatang nakamamatay. Patapon na ang buhay o wala nang halaga para sa kanila ang buhay. Ang pagkakahuli sa lider ng "Diablo" ay malaking kabutihan sa mga tao at estudyanteng nasa university belt area. Kung mahuhuli ang mga miyembro ng "Diablo" hindi na mag-aalala ang mga magulang na baka ang kanilang anak na estudyante ay mabiktima ng mga masasamang loob na ito.
Malaki ang posibilidad na ang mga miyembro ng "Diablo" ay ang mga batang lansangan. Lumaki sa lansangan, kahalubilo ang mga masasamang loob. Pinatibay at pinakapal ang mukha at loob ng mga nakikitang krimen sa kanilang paligid. Maagang natuyo ang utak sa ibat ibang bisyo.
Pakapal nang pakapal pa ang mga batang lansangan at maaaring sa mga susunod na buwan ay may lilitaw na namang mga gang na mas higit pa sa "Diablo". Nasaan ang DSWD? Abala sa pangangampanya para kay Mrs. Arroyo? Kailangang unahin ang problemang ito sapagkat marami ang napapahamak.