Ako ay miyembro ng Pag-IBIG Fund at kasalukuyang may binabayarang Pag-IBIG Multi-Purpose Loan (MPL). Nabasa ko sa inyong kolum ang tungkol sa MPL ngunit mayroon sana akong gustong malinawan.
Nitong nakaraang buwan ay nakapagbayad na ako ng 15 buwang hulog sa aking MPL. Maaari ko bang i-renew ang aking MPL? Katrina Perez, Pasig City
Maaaring i-renew ang MPL matapos mabayaran ang 50 percent ng kabuuang utang sa panahon ng anibersaryo ng inyong loan check. Lahat ng mga outstanding balance, kasama na ang interes, penalty at mga charges (kung mayroon man) ay ibabawas sa bagong MPL loan.
Ang MPL ay pansagot ng Pag-IBIG Fund sa mga biglaan at hindi inaasahang pangangailangan ng mga miyembro. Sa mga pagkakataong ito, dadamay ang Pag-IBIG sa pinansiyal na problema ng mga miyembro. Hinihikayat kitang makipag-ugnayan sa iyong Pag-IBIG Branch upang mabilis mo ng maisumite ang mga requirements sa MPL.