Tinukso si Jesus

NGAYON ay Unang Linggo ng Kuwaresma. Ang ating Ebanghelyo ay tungkol sa pagtukso ni Satanas kay Jesus.

Basahin natin ang ebanghelyo ni Lukas at tingnan natin kung paanong iwinaksi ni Jesus si Satanas (Lk. 4:1-13).

Umalis si Jesus sa Jordan, puspos ng Espiritu Santo. Dinala siya ng Espiritu doon sa ilang. At sa loob ng 40 araw ay tinukso ng diyablo. Hindi siya kumain sa buong panahong iyon, kaya gutom na gutom siya.

Sinabi sa kanya ng diyablo, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, iutos mo na maging tinapay ang batong ito." Ngunit sinagot siya ni Jesus, "Nasusulat, ‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao’."

Dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na lugar at sa isang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian ng sanlibutan. "Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at kadakilaan ng mga kahariang ito. Ipinagkaloob ito sa akin at maibibigay ko sa kaninumang ibigin ko. Kaya kung ako’y sasambahin mo, magiging iyong lahat ito." Sumagot si Jesus, "Nasusulat, ‘Ang iyong Diyos at Panginoon ang sasambahin mo, at siya lamang ang iyong paglilingkuran’."

Dinala siya ng diyablo sa taluktok ng templo ng Jerusalem, at sinabi sa kanya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat, ‘Ipagbibilin niya sa kanyang mga anghel na ingatan ka,’ at ‘Aalalayan ka nila, upang hindi ka matisod sa bato."


Subalit sinagot siya ni Jesus, "Nasusulat, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos’!" Pagkatapos siyang tuksuhin ng diyablo sa lahat ng paraan, ito’y umalis at naghintay ng ibang pagkakataon.

Nagutom si Jesus dahil 40 araw na di niya pagkain. Sinamantala ni Satanas ang pagkakataon upang tuksuhin si Jesus. Gaya nang pagtukso ni Satanas kay Jesus, tayo din ay tinutukso ni Satanas. Tulad ni Jesus, dapat tayong manalangin. Tulad ni Jesus, dapat din nating pahirapan ang ating mga sarili sa paraan ng pag-aayuno. Tulad ni Jesus, dapat tayong magtiwala sa Diyos.

Show comments