^

PSN Opinyon

Iba ang karisma ng iniidolong artista

- Al G. Pedroche -
PARA sa mga movie fans, hindi importante magaspang man ang ugali ng iniidolong artista. Hindi nababawasan ang paghanga nila rito. Ang anumang marinig nilang kapintasan ng kanilang idol ay "paninira" lang para sa kanila.

Ang isinalaysay ng beteranong entertainment editor na si Franklin Cabaluna tungkol sa pagmamaltrato sa kanya noong dekada 60 ng action king na si Fernando Poe, Jr. ay hindi bago. Na siya ay "binugbog" at "inihian" ng aktor dahil sa isang artikulong naisulat na hindi naibigan ng huli.

Wala pa man sa guniguni ng mga Pilipino na balang araw ay tatakbo sa pagka-pangulo si FPJ, marami na ang nakaaalam sa pangyayaring ito. Pero hataw talaga ang karisma ni FPJ. Sa Mindanao, ang mga tagahanga niyang Muslim ay binabaril ang telon ng sinehan kapag naaagrabyado sa pelikula ang kanilang iniidolo.

Noon pa mang araw ay lantad na ang diumano’y pagiging marahas ni FPJ lalo na kapag senglot. Sa kabila nito’y hindi nabawasan kundi lalo pang lumawak ang lehiyon ng mga tagahanga ni FPJ. Katunayan, may mga nagti-text sa ating feedback section na kumokondena kay Cabaluna. Sinasabing binayaran lang siya ng mga kalaban ni FPJ para manira. Pero binibigyan ko ng benefit of the doubt si Cabaluna porke matagal na ngang napabalita ang kanyang karanasan kay Da King. Kung lumalantad man siya ngayon upang sariwain ang kanyang masaklap na karanasan, ito aniya’y sa dahilang gusto niyang malaman ng sambayanan na ang kanilang hinahangaang aktor ay hindi simbait gaya ng kanilang paniniwala.

Dapat ay kumupas na ang kanyang pagiging marahas komo mahigit na siya sa 60-anyos. Ngunit batay sa mga naisulat tungkol sa pangangampanya ni FPJ, nabasa natin ang "pag-amba" niyang susuntukin sa isang fotog matapos mabagsakan diumano ng kamera ang braso ng aktor. Natunghayan din ng marami ang diumano"y pagkairita ni FPJ sa kakulitan ng mga nagtatanong na reporters.

Kumakandidato sa pinakamatayog na posisyon sa gobyerno si FPJ. Pananagutan ng media na ilahad ang mga obserbasyon tungkol sa sinumang kandidato dahil delikado kung ang mailuluklok na Pangulo’y marahas at brusko. Paano kung siya’y maging Pangulo at ang lahat ng mga babatikos sa kanya ay kanyang bubuweltahan? Ito’y panawagan din sa napipintasang kandidato upang baguhin ang kanyang lisyang asal.

CABALUNA

DA KING

FERNANDO POE

FPJ

FRANKLIN CABALUNA

PANGULO

PERO

SA MINDANAO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with