Subukan ng pinuno sa isang siyudad, halimbaway sa Maynila, na lumabas ng alas-diyes ng gabi at makikita ang mga nagkalat na kabataan, mga edad 9 at 10 na pakalat-kalat pa sa mga kalsada at tila walang pakialam kung sila man ay mapatay, maaksidente, maholdap o kung ma-rape. Sa dakong Luneta, kapansin-pansin ang mga kabataang barka-barkada na namamasyal sa madilim na bahagi ng parke at kapag nakaramdam ng pagod ay magsisiupo sa damuhan. Subukang pumasyal ang pinuno ng Maynila at makikita ang katotohanan. Ano na ang nangyari sa ordinansa?
Sa ilalim ng ordinansa na inakda noon pang 2002, ipinatutupad ang curfew sa mga kabataan sa maraming lungsod sa Metro Manila. Ang mga wala pang 18 taong gulang ay mahigpit na pinagbabawalang gumala-gala sa kalye pagsapit ng alas-diyes maliban na lamang kung kasama ang kanyang magulang, o kung siya ay nagtatrabaho. Ang sinumang kabataan na lalabag sa ordinansa ay pagmumultahin o magsasagawa ng community service depende sa iaatas ng Korte. Pero balewala na nga ang ordinansa at halos lahat na ng lungsod dito sa Metro Manila ay hindi na naipatutupad ang curfew para sa minors. Nagmistulang mga hayop na nakawala sa kural ang mga kabataan sapagkat wala nang sumisita sa kanila. Maaari na silang umagahin sa labas.
Laganap ang shabu at mga hayok sa laman sa panahong ito. Nag-aabang lamang ang mga hayok sa laman ng kanilang madadagit. Ang mga drug pushers ay lantaran na kung magbenta ng shabu. Hindi na natatakot sapagkat wala namang pulis na nagroronda. Ang kampanya naman ng pamahalaan laban sa droga ay pakitang-tao lamang. Kung kailan may eleksiyon saka lamang nagpapakitang-gilas. Lubhang mapanganib na ang mga holdaper na kapag walang naibigay ang mga bibiktimahin ay pinapatay.
Ipatupad ang curfew para maisalba ang mga kabataan sa kapahamakan at pagkapitas ng buhay. Nangangailangan din naman ng kalinga ng mga magulang ang mga kabataan. Higit sa lahat, sila ang dapat na gumabay sa kanilang anak para hindi maligaw ng landas.