Ang tunay na diwa ng EDSA ay hindi lamang ang pagpapatalsik sa isang diktadura at pagtapos sa pagmamalabis ng isang rehimeng tumalikod sa kapakanan ng sambayanan. Ang tunay na diwa ng EDSA ay ang pagsama-sama ng lahat ng Pilipino, mayaman man o mahirap, upang muling magsimula. Ang tunay na diwa ng EDSA ay ang pangingibabaw ng pag-ibig sa bayan at pagmamalasakit sa kapakanan ng bawat Pilipino. Ang tunay na diwa ng EDSA ay ang pakikipaglaban para sa isang pamahalaang tapat sa sambayanan.
Marami sa ating mga kabataan ngayon ay maaaring hindi lubusang nakakaintindi sa kahalagahan ng EDSA sa ating kasaysayan at sa mga karanasang napagdaanan ng ating bansa at ng ating lipunan. Ngunit ang araw na ito ay magandang pagkakataon upang magbalik-tanaw sa kasaysayan upang sa gayon ay hindi natin malimutan ang tunay na diwa at aral ng EDSA.
Hinangaan ang Pilipino sa pamamaraang ginamit sa EDSA, walang dahas, walang karahasan. Tinularan tayo ng iba nating bansa sa Timog Asya na nagnais ding kumawala sa mga mapaniil na rehimen. Sana ay manatiling buhay sa ating isipan at diwa ang tunay na kahalagahan ng EDSA.