Bago pa man nangyari ito, ilang ulit nang nabalita at nasaksihan pa nga sa TV nang mapikon at nainis si FPJ sa mga media reporters. Marami sa mga nakakakilala sa action king na nagsasabi na talagang mabait at hindi masyadong maboka. Subalit ito diumano ay madaling mapikon at mabilis mag-init ang ulo lalo na raw kung marami na ang naiinom. Nang dahil dito, natatakot na tuloy dumikit at mag-interview ang mga reporters kay FPJ.
Sabagay, marami ring tao ang kamukha ng ugali ni FPJ. Ngunit ang hindi nga lamang maganda ay kinakikitaan na kaagad siya ng ganitong karakter na ngayong kandidato pa lamang siya. Papaano kung manalo na siya bilang pangulo na itinuturing bilang pinaka-makapangyarihang tao sa ating bansa? Di kaya matakot na iboto siya bilang presidente kapag parati na lamang siyang nababalitang madaling magalit at maikli ang mitsa?
Lalong hindi nakakatulong sa imahen ni FPJ ang ginagamit niyang mga pananalita na katulad ng sinabi niya noong isang araw na ang mga kalaban niya ay "baka hindi na sikatan pa ng araw." Magaspang at hindi magandang mapakinggan ito sa isang nais mamuno ng ating bansa. Nawa ay hindi gamiting ehemplo ito ng kanyang mga tagasunod at mga taga-suporta sapagkat malamang na maging marumi at hindi kanais-nais ang mangyayari sa ating bansa.
Kami ay umaasa na matutuhan sana ni FPJ na maging mahinahon at magpakita ng magandang halimbawa sa kanyang mga kasamahan lalot mayroong mga pagbabantang nanggaling sa kampo ng action king na maaaring magkagulo kapag naglabas ng desisyon ang Supreme Court na ma-disqualify si FPJ nang dahil sa citizenship case laban sa kanya. Kung may problema man si FPJ sa ipinag-uutos ng batas tungkol sa kanyang citizenship, kami ay naniniwala na tunay na Pilipino siya sa puso at pag-iisip kung kayat ang susundin niya ay kung ano ang nararapat at makatarungan na makabubuti sa ating bansa.