Tahasan kong sasabihin, naging "iresponsable" at "burara" ang ilan sa mga opisyales ng DTI na sumuri sa mga network marketing companies. Ang kanilang paniwala, halos lahat na yata, ay pyramiding.
Hindi naging madali sa aming investigative team sa TV, ang "BITAG", nang lusubin namin ang tanggapan ng DTI nung buwan ng Abril 2003 upang kunan ng kanilang panig sa mga isyung sumusunod;
(1) tangkang pangingikil ng isang regional director ng DTI. Humingi ito ng kalahating milyong piso sa isang networking company. Kapalit ay matanggal sa listahan ang kanilang pangalan. Hindi pumayag ang mga opisyales ng naturang kompanya.
(2) basehan at pamantayan na ginamit ng DTI laban sa mga kumpanyang kanilang "sinentensiyahang" pyramiding.
Hindi humarap sa amin si Secretary Mar Roxas maging ang kanyang Assistant Secretary na si Adrian Cristobal. At sa halip pinasa kami sa kanilang legal department. Kapareho nila "hilung-hilo" sa pagpapaliwanag.
Nung tinanong ng aming grupo kung anong kanilang masasabi sa sistemang ginagamit ng AMWAY? Mabilis pa sa alas kuwatro ang kanilang pag-absuwelto.
Subalit kapag sinuri ng maigi, wala namang pagkakaiba ang sistema ng pagbebenta ng AMWAY sa mga lehitimot legal na mga networking company na sinentensiyahan ng DTI na pyramiding.
Hindi naging madali sa "BITAG" maipalabas ang aming special episode na may pamagat, "ISKAM". Sa network na kung saan napapanood ang "BITAG" noon, halos dumaan sa butas ng karayom ang aming special episode.
Hanggang sa network, siniguro ng mga galamay ni "Mr Giba" na huwag silang lumabas na kahiya-hiya. Nagkamali sila. Pumasa ang aming special episode sa pamantayan ng legal department ng network.
Kaya ikaw Mr. Mar "Palengke" Roxas, a.k.a. "Mr. Giba", kaya mo bang ipikit ang iyong mga mata sa gabi bago ka matulog?
Kaya ba ng iyong konsiyensiya na maraming mga networking company na walang kinalaman sa pyramiding, nasira dahil lamang sa kataranduhan at kagaguhan ng ilan sa yung mga tauhan sa DTI?
Karangalan mong isama ito sa iyong pagpapakilala kung anong iyong mga nagawa, ngayong tatakbo ka bilang senador. Sagot!