Noong nakaraang linggo kasi dalawang beses binuwag ng pulisya ang kilos protesta sa harap ng DAR building sa Quezon City kung saan sina Bonifacio Responso at Jun Hermocilla ay inaresto. Natuklasan na sina Responso at Hermocilla ay mga hired goons ng samahang UNORKA o Pambansang Ugnayan ng mga Lokal na nagsasariling Organisasyon na pinamumunuan naman ni Vangie Mendoza. Gusto ng grupo ni Mendoza na patalsikin ni GMA si Obet dahil sa walang pakundangang kasong land conversion hindi lang sa Bulacan kundi maging sa Mindanao. Umabot sa P300,000 na ari-arian ng DAR ang napinsala sa kilos protesta. Iginiit ni Obet na iginagalang niya ang karapatan ng mga magsasaka na magpahayag ng kanilang saloobin, subalit dapat ayon sa umiiral na batas at hindi sa pamamagitan ng dahas. Sa tingin ko hindi mareresolba ang bangayan nina Obet at mga nag-aalburotong magsasaka kapag mainit ang ulo nila, di ba mga suki?
Kung sabagay, may katwirang magtampo si Obet sa mga magsasaka dahil sa haba ng bilang ng accomplishments niya sa DAR na maaring hindi lang napagtuunan nila ng pansin. Ilan lang dito ay ang pag-distribute ng 91,631 hectares ng lupain o 91 percent ng SONA commitment ni GMA; ang paglagak ng P217.56 milyon na pondo para sa mga programang sakahan na ang nakinabang ay ang 20,686 farmer beneficiaries; training ng 45,239 magsasaka sa production technology, entrepreneurial skills, at cooperative management; ang pag-implement ng 15 foreign-assisted projects, at pag-facilitate ng pagbuo ng 518 farmers organizations na may kabuuang 45,008 miyembro. Nagawa ni Obet ang lahat ng ito mula Enero hanggang Dis. 15 ng nakaraang taon. O sa ikli ng panahon ay may maraming nagawa pala si Obet. Baka may kulang ka lang sa bakuran mo, Sec. Pagdanganan Sir? Mismo! Di ba mga suki? May duda naman si Obet na itong mga kilos protesta ay may malalim na dahilan, kabilang na dito ang P38 billion na galing sa Marcos ill-gotten wealth. May grupo kaya na gusto lang makisawsaw?